2 pares ng Pinay sa Asiad Beach Volleyball team pasok sa Last 8

by Gerard Arce @Sports News | September 29, 2026

Photo: Swak na sa quarterfinals ang dalawang Pinay duo sa beach volleyball na sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons at tambalang Progella at Pagara sa Asian Games. (go for gold ph)
Ang pag-usad ng tambalan nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons maging nina Khylem Harl Progella at Sofiah Shanine Pagara sa quarterfinals sa 20th Asian Games Aichi-Nagoya 2026 na idaraos sa Hekinan Ryokuchi Beach Court sa Aichi Prefecture, Japan ay malaking pag-asa para sa medal hunt ng Pilipinas.
Nagpakita muli ng mahusay na laro ang tambalang “Si-Pons” na tinalo ang koponan ng bansang punong-abala na Japan na binubuo nina Sakura Ito at Mayu Sawame sa 21-17, 21-15 sa round of 16 upang tiyakin ang puwesto sa quarterfinals.
Sa pagpasok sa quarters lalong lumalaki ang hamon para sa beteranong tambalan habang lumalapit sila sa medal rounds, na sunod na makakatapat ang rival sa Southeast Asia na Thailand sa pares nina Taravadee Naraphornrapat at Worapeerachayakorn Kongsphopsaratuwadee ngayong Miyerkules ng umaga.
“Siguro ;yun yung nagpatibay sa amin kanina kasi yung from the past game namin, di talaga namin tanggap na ganun yung nilaro namin,” wika ni Rondina.
“Sometimes our biggest opponent is not on the opposite side of the court but what’s inside our minds, so maybe yun yung isang baon namin ngayon,” saad naman ni Pons.
Winalis rin nina Progella at Pagara sa magkahiwalay na pag-usad sa quarterfinals ang Hong Kong, China tandem na sina MC Wong at NL Tsang sa iskor na 26-24, 21-18 sa round of 16. Makakatapat nila ang hometown bet nina Non at Ren Matsumoto ng Japan ngayon ding Miyerkules ng umaga.





Comments