2 pang kaso ng monkeypox, na-detect sa ‘Pinas – DOH
ni Lolet Abania | August 19, 2022

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ngayong Biyernes na dalawa pang kaso ng monkeypox ang naitala sa bansa kaya umabot na sa kabuuang bilang na tatlo ang mga kaso nito.
Sa isang press briefing, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na ang dalawang bagong kaso ay nasa edad 34 at 29-anyos habang parehong nagkaroon ng travel history sa mga bansa na may confirmed monkeypox cases.
Tumanggi naman ang kalihim na magbigay ng iba pang detalye sa mga pasyente kabilang na ang kanilang gender.
Ayon kay Vergeire, ang positive PCR result ng 34-anyos na pasyente ay nai-release nitong Agosto 18, habang ang resulta naman ng 29-anyos pasyente ay nai-release ngayong Agosto 19.
Sinabi rin ni Vergeire na ang 34-anyos na pasyente ay sumasailalim sa home isolation habang nagsasagawa na rin ng contact tracing. Ang 29-anyos na pasyente ay kasalukuyan naman na nasa isang healthcare facility.
Nasa tinatayang 17 close contacts ang bineberipika habang patuloy ang contact tracing.
Matatandaan na ang unang kaso ng monkeypox sa bansa ay isang 31-anyos na pasyente na nag-travel sa isang bansa na mayroong monkeypox case.
Una nang sinabi ng DOH na ang monkeypox ay isang virus na nata-transmit sa mga tao sa pamamagitan ng close contact sa may infected na indibidwal o hayop, o contaminated materials.
“A viral infection resembling smallpox and first detected in humans in 1970, monkeypox is less dangerous and contagious than smallpox, which was eradicated in 1980,” pahayag pa ng DOH.
Ayon naman sa isang Agence France-Presse explainer, “The first symptoms can include a fever, headaches, sharp muscle pains, fatigue, a rash, as well as swollen and painful lymph nodes.”





Comments