2 manliligaw, parehas ka-compatible pero sa virgo guy tunay na sasaya
- BULGAR
- Apr 16, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | April 16, 2023
Dear Maestro,
Sa ngayon, may dalawang lalaking malapit sa aking buhay. Si Mr. Virgo na isinilang noong September 14, 1999 at si Mr. Taurus na isinilang noong May 3, 1998.
Maestro, gusto kong malaman kung sino sa kanila ang mas ka-compatible ko at kung ako’y mag-aasawa na, kanino ako higit na uunlad, aasenso at magiging maligaya?
January 5, 2000 ang birthday ko.
Umaasa,
Julia ng Palanas, Lemery, Batangas
Dear Julia,
Kapansin-pansin na ang zodiac sign mong Capricorn ay parehong tugma sa zodiac sign na Virgo at Taurus ng dalawang lalaking malapit sa puso mo sa kasalukuyan dahil kayong tatlo ay kapwa pinaghaharian ng elementong earth o lupa.
Ibig sabihin, kahit si Mr. Virgo o Mr. Taurus ang sagutin o maging boyfriend at mapangasawa mo, okey na okey lang sa iyong kapalaran ang nabanggit na senaryo dahil kayong tatlo ay sadyang magkakatugma sa isa’t isa.
Subalit kung aspetong Numerology naman ang pagbabatayan, higit na katugma ng birth date mong 5 ang birth date na 14 ni Mr. Virgo, kung saan ang relasyon o pagsasama ng taong may birth date na 5 at 14 ay laging natatagpuang umuunlad at yumayaman.
Nangyaring ganu’n dahil ang 14 na birth date ni Mr. Virgo ay tulad ng birth date mong 5 (dahil ang 14 ay 1+4=5), gayundin, dahil pareho kayong ng birth date, tiyak na ang inyong relasyon ay uunlad at ang itatayo n’yong pamilya ay tiyak na yayaman.
Kaya kung gusto mong yumaman at umunlad sa panahong may asawa ka na, walang duda na si Mr. Virgo na may birthday na September 14, 1999 ang dapat mong piliin na mapangasawa.
Sapagkat sigurado na ang magaganap, sa piling ni Mr. Virgo, uunlad, yayaman at habambuhay na magiging maligaya ang inyong itatayong pamilya.




Comments