2 daycare learners nalunod sa septic tank, patay

ni Jeff Tumbado @News | July 31, 2026

Photo: File
Nasawi ang dalawang daycare learners matapos malunod sa isang septic tank na napuno ng tubig-ulan sa Purok 10, Brgy. Concepcion, Makilala, Cotabato.
Batay sa imbestigasyon ng Makilala Municipal Police Station, ang mga biktima ay may edad 4 at 5, na apo at pamangkin ni Brgy. Concepcion Chairperson Rey Cayare.
Nabatid sa report na kagagaling lamang sa paaralan ang mga bata at huling nakitang naglalaro malapit sa septic tank na puno ng tubig dahil sa mga pag-uulan.
Sa pahayag ni Cayare, habang naglalaro ang mga bata gamit ang kanilang mga baunan, aksidente silang nadulas at nahulog sa walang takip na septic tank.
Nabatid lamang ng pamilya ang insidente matapos ipaalam ng isang residente. Agad silang nagtungo sa lugar ngunit baunan na lang ng mga bata ang nakitang lumulutang sa tubig.
Sumisid ang mga responder sa septic tank at narekober ang dalawang bata na nakalubog. Agad silang isinugod sa Makilala Medical Specialist sa Makilala, Cotabato, bago inilipat sa Davao Doctors Hospital sa Davao City subalit kapwa binawian din ng buhay.





Comments