Search
  • BULGAR

2 beses na-biyuda kaya takot mag-asawa ulit, makakatuluyan ang BF na Taong Siete at Scorpio

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 22, 2021



Dear Maestro,


Dalawang beses na akong nababalo, kaya ngayon ay medyo natatakot na akong mag-asawa muli dahil baka bigla na namang mawala ang lalaking pakikisamahan o mamahalin ko. Kaya lang, mahirap mapigilan ang tibok ng puso, kaya may boyfriend na naman ako at niyayaya na niya akong magpakasal, pero natatakot akong maranasan ulit ang nangyari sa una at ikalawa kong pag-aasawa na kinuha agad sa akin.


Maestro, kung sakaling mapangasawa ko ang kasalukuyan kong boyfriend na isinilang noong October 25, 1985, magiging panghabambuhay na ba ang aming pagsasama at compatible ba kami? July 13, 1988 naman ang birthday ko. Madalas din akong tumaya sa lotto, kaya gusto ko ring magkaroon ng mga suwerteng numero na tatayaan.

Umaasa,

Sarah ng Sapang, Jaen, Neuva Ecija


Dear Sarah,


Ayon sa zodiac sign mong Cancer at Scorpio naman ang boyfriend mo, “one-hundred point one percent”, compatible kayo dahil ang nabanggit na zodiac signs ay kapwa pinaghaharian ng elementong water o tubig.


Ang ikinaganda pa nito, ang birth date mong 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4) ay suwetong-suweto ring isama sa birth date na 25 o 7 (2+5=7) ng boyfriend mo kung saan Sun/Uranus ang planeta ng Taong Kuwatro (4), habang Moon/Neptune naman ang planeta ng Taong Siete (7) kung saan ang mga planetang tinuran ay sadyang compatible sa isa’t isa. Ibig sabihin, kung pag-aanalisang Astro-Numerology ang pagbabatayan, walang duda na kayo na nga ang magkakatuluyan at nakatakdang magsasama habambuhay.


Hinggil naman sa tanong at pag-aalinlangan mo na baka muli kang mabalo sa ikatlong pagkakataon, malabo o hindi na ito muling mangyayari pa. Ito ay dahil ang birth date mong 4 at 7 naman ang boyfriend mo at ang pagiging magkatugma ng Cancer at Scorpio ay nagsasabing panghabambuhay na ang inyong relasyon hanggang sa kayo ay magka-apo at tumanda.


Gayunman, maaari mo pa ring matiyak ang nasabing pagtaya sa itaas — kung ikaw na ang sumuri sa sarili mong palad, kung saan pansinin mo ang ikatlong pahalang na guhit sa ilalim ng daliring hinliliit na tinatawag nating “Marriage Line”, kung ito ay diretso at hindi kumurba o nagpatihulog pababa, ang ikatlong pag-aasawa ay itatalang maligaya at panghabambuhay na.


Samantala, bukod sa birth date mong 4 at 7 ng kasalukuyan mong boyfriend, mapalad ka rin sa lahat ng numero na may sumatotal na 4, 7, 2 at 1, tulad ng 22, 31, 40, 16, 25, 34, 43, 11, 20, 29, 38, 1, 10, 19, 28, 37, at iba pang kauri nito. Puwede mo ring subukan ang numerong 5, 16, 22, 31, 34, at 40, gayundin ang 4, 15, 28, 32, 37 at 41.


Upang masigurado ang malaking panalo, maghanap ka ng lotto outlet na malapit sa ilog, dagat, batis, sapa o kahit anong body of waters na tinatawag kung saan puwede rin ang lotto outlet na malapit sa tindahan ng mineral water, station ng truck ng bumbero at imbakan o ipunan ng tubig. Ang nasabing mga lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng jackpot sa taong 2022, 2023 at 2024, sa edad mong 34 pataas.


Samantala, ayon sa iyong Love Calendar, sa susunod na taong 2022 at sa edad mong 34 pataas, tulad ng ipinapangako ng iyong kapalaran, ang kasalukuyan mo nang boyfriend ang iyong makakasama sa pagbuo ng maunlad, maligaya at panghabambuhay na pamilya.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.