2 ang dyowa… Bebot na naghahanap ng forever, gustong malaman kung sino ang ka-compatible
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 25, 2023
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil sa kasalukuyan ay dalawa ang boyfriend ko.
‘Yung isa ay dati kong boyfriend at nasa abroad ngayon. Isinilang siya noong October 1, 1995.
Samantala, ‘yung pangalawa ay pinakilala ng pinsan ko sa akin at isinilang siya noong July 25, 1997.
Sa ngayon, gusto kong maging stick-to-one. Sa palagay n’yo, Maestro, sino ba sa dalawang ito ang dapat kong seryosohin at maging totoong boyfriend? Kung sakali, sana ay siya na ‘yung mapapangasawa, makakasama ko sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya. December 10, 1998 ang birthday ko.
Umaasa,
Doraine ng Lambac, Pagsanjan, Laguna
Dear Doraine,
Ayon sa zodiac sign mong Sagittarius, higit mong ka-compatible ang Leo kung ikukumpara sa Libra.
Sapagkat ang Sagittarius at Leo ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong fire o apoy. Ibig sabihin, kung purong Astrology ang pagbabatayan, higit mong ka-compatible ang lalaking isinilang noong July 25, 1997. Maaaring sa piling niya, ikaw ay umunlad at habambuhay na magiging maligaya.
Sa aspetong Numerology naman, ang birth date mong 10 o 1 (1+0=1) ay isang strong number na hindi na dapat ipareha sa isa pang strong number na birth date ni Mr. Libra na October 1, 1995.
Dahil kapag parehong “one” ang nagsama, palagi lang silang magtatalo at ang bubuuing relasyon ay hindi kaaya-aya.
Sa halip, ang ideal o mas masuwerteng itambal sa isang strong number na one (1) tulad mo, ay ang isang weak number na seven (7), na nagkataong birth date ni Mr. Leo dahil ang 25 ay 7, na isang weak number (dahil ang 25 ay 2+5=7).
Samakatuwid, gaya ng nabanggit, ang mga numero at taglay n’yong zodiac sign ang nagsasabing higit mong ka-compatible si Mr. Leo na isinilang noong July 25, 1997.
Kaya sa iyong pagpapasya at pagnanais na maging stick-to-one sa pakikipagrelasyon, walang alinlangang si Mr. Leo na may birthday na July 25, 1997 ang dapat mong seryosohin. Panatilihin din siyang maging boyfriend upang sa ganu’ng paraan, sa panahong nais mo nang mag-asawa, makatitiyak ka ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments