2.4 Milyong bagong benepisaryo ng DSWD, dapat may “K” sa benepisyo
ni Ryan Sison - @Boses | December 2, 2022
Mahigit dalawang milyong benepisaryo ang idinagdag sa listahan ng Targeted Cash Transfer (TCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P5.2 bilyong pondo para sa ikatlong tranche ng TCT program.
Ayon sa DSWD, nasa 2.4 milyong Pilipino ang nasa listahan, habang sinimulan na umano ang community validation para matukoy ang mga benepisaryo.
Mahigit 12.4 milyong Pilipino ang eligible para sa programa, kung saan 2.4 milyon naman ang nasa waitlist ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o sa iba pang programa ng ahensya.
Dagdag pa ng ahensya, ang mga benepisaryo ay makatatanggap ng P500 kada buwan sa susunod na anim na buwan.
Kasalukuyan umanong ipinamamahagi ang ayuda para sa buwan ng Hulyo at Agosto.
Unang ini-release ng DBM ang P10.33 bilyon para sa DSWD para sa dalawang buwang cash transfer na ipinamahagi sa 10 milyong benepisaryo.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, malaking tulong ang mga ganitong programa ng pamahalaan. Ang problema, ilang benepisaryo ang nagrereklamo na hindi pa natatanggap ang ayuda para sa second tranche.
Gayunman, magandang balita na madadagdagan pa ang benepisaryo ng programa ng gobyerno dahil ibig sabihin, mas marami ang matutulungan at makikinabang. ‘Yun nga lang, sana’y mabilis at maayos na maipamahagi ang naturang ayuda.
Pakiusap lang natin sa mga kinauukulan, tiyaking dumaan sa masusing pagsusuri ang mga nasa listahan. Kumbaga, dapat masiguradong karapat-dapat makatanggap ng benepisyo ang makapapasok sa listahan para matiyak na hindi masasayang ang pondo ng gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments