Search
  • BULGAR

1st win, nairekord ng Maharlika Manila sa PFL

ni Anthony Servinio - @Sports | November 1, 2020




Naitala ng baguhang Maharlika Manila ang kanilang unang tagumpay kontra sa Stallion Laguna, 2-1, sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways mula sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite Sabado ng umaga. Pinasok ng mga reserbang sina Jose Montelibano at Jeremy Theuer ang mga goal sa second half upang mabuo ang makasaysayang panalo ng “Koponan Ng Masa.”


Pumasok si Montelibano sa simula ng second half at matapos ang apat na minuto ay nagsanib puwersa siya kay Michael Joseph Libre para maitabla ang laban, 1-1. Pinalitan ni Coach Roxy Dorlas si Libre para kay Theuer sa ika-73 minuto at at sa unang hawak pa lang niya ng bola ay pinasok niya ito para maagaw ang lamang sa ika-75 minuto, 2-1, salamat sa magandang pasa ni Charlie Beaton.


Sa kanilang unang laro ng taon, ganadong-ganado ang Stallion sa simula pa lang at nagbunga ang kanilang sipag sa ika-28 minuto matapos ipasok ni Ibrahima Ndour ang kanilang unang goal galing sa pasa ni Reynald Villareal. Hindi nakaporma ang goalkeeper ng Maharlika na si Henri Bandeken sa malakas na malapitang sipa ni Ndour subalit nag-iba ang timpla pagsapit ng second half.


Natalo ang Maharlika sa una nilang laban noong Sabado kontra sa Kaya Iloilo, 1-0. Nilusutan ni Jayson Panhay ang mahigpit na depensa ng Maharlika para sa nag-iisang goal sa ika-30 minuto.


Naglalaro ang United City kontra Mendiola 1991 at Kaya kontra Azkals Development Team habang sinusulat ito. Hinahanap ng United City at Kaya ang kanilang pangalawang tagumpay para sa liderato ng liga.


Susubukan ng Maharlika na makamit ang kanilang ikalawang panalo ngayong Martes kontra sa United City sa tampok na laban sa 8:00 ng gabi. Bago noon, maghaharap ang Stallion at Kaya sa 4:30 p.m., ang laban ng dalawang nalalabing koponan buhat sa unang taon ng PFL noong 2017.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.