top of page

1K personalidad, imbitadong dumalo sa SONA ni P-BBM

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 18, 2022
  • 2 min read

ni Lolet Abania | July 18, 2022




Mahigit sa 1,000 personalidad ang imbitado na dumalo sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa susunod na linggo.


Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, may kabuuang 1,365 invitations ang kanilang ipinalabas para sa SONA ni P-BBM.


“Naglabas na tayo ng invitations, noong weekend... The rest will be released this week also. We’re sending out 1,365 invitations,” pahayag ni Mendoza sa GMA News ngayong Lunes.


Kabilang sa mga inimbitahan ay si Vice President Sara Duterte, mga dating pangulo, mga bise presidente, speakers, at Senate presidents, gayundin ang mga diplomatic corps, justices, at mga miyembro ng Marcos Cabinet.


Sinabi ni Mendoza na ang 1,200 initial capacity ng plenary hall ng Batasang Pambansa sa Quezon City ay kanilang in-adjust para ma-accommodate ang mas maraming bisita.


Aniya pa, ang House of Representatives ay nakikipag-ugnayan na rin sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa SONA ngayong taon.


“Mga minor revisions na lang tayo. So far okay naman na tayo,” ani Mendoza.


Kaugnay nito, ayon kay Mendoza, magpapatupad ng lockdown simula Huwebes o Biyernes sa House of Representatives para sa seguridad ng lugar.


“Total lockdown will be on Friday, pero baka mag-adjust kami, agahan namin siguro ‘yung lockdown to prepare ‘yung security preparations natin,” saad ni Mendoza.


Sa ngayon, sinabi ng opisyal na nagsimula na silang maglimita ng mga personnel na papasok sa loob ng Batasang Pambansa. Sa oras na kanila itong i-lockdown, ang Presidential Security Group lamang ang papayagan sa loob ng complex.


Ang ika-17 pangulo ng Pilipinas ay nakatakdang magbigay ng kanyang unang SONA sa susunod na Lunes, Hulyo 25.


Wala pang inilalabas na detalye ang Palasyo hinggil sa nasabing okasyon.


Samantala, mahigit sa 21,000 security personnel ang ide-deploy para sa SONA ni Pangulong Marcos, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).


Gayundin, sinabi ng pulisya, ang gun ban ay ipatutupad sa Metro Manila mula Hulyo 22 hanggang Hulyo 27 upang tiyakin ang seguridad sa SONA.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page