top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

19-M backlog sa Nat'l ID, ‘wag nang patagalin!

BULGAR
Oct 25, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 25, 2022


Mataas na bilang ng nagpatala para makakuha ng Philippine Identification System (PhilSys) o National ID, ang itinuturong dahilan ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagkaantala ng pag-imprenta ng ID card.


Ayon kay PSA chief Dennis Mapa, hanggang noong Oktubre 17, nasa 74.28 milyong Pilipino na ang nagparehistro sa PhilSys o sumailalim sa pagkuha ng demographic and biometric information.


Katumbas umano ito nang 98.7% ng populasyon na edad 15 pataas, at sa naturang bilang, may kabuuang 51.23% ang sumailalim sa backend identity verification. Gayunman, nakapagbigay na umano ang PSA ng unique 12-digit PhilSys number sa mahigit 45 milyong nakapagtala mula sa 51 milyon na sumailalim sa backend verification process.


Samantala, 17.6 milyong PhilID cards na umano ang naipadala ng PhilPost hanggang noong Oktubre 14, habang nasa 19 milyon naman ang itinuturing na backlog.


Paliwanag ni Information and Communications Undersecretary Dennis Villorente, malulutas ang naturang backlog sa loob ng apat na buwan.


At habang naghihintay ng actual national IDS, gumawa ang PSA ng digital version ng PhilSys o ePhilID na maaaring maimprenta sa PSA registration centers. Plano rin umano ng PSA na tumaas ang printing capacity ng national ID cards sa 130,000 kada araw mula sa nasa 80,000.


Sa tagal nang naghihintay ng mga nakatapos sa step 2 ng pagkuha ng national ID, marami nang naiinip dahil imbes na mapakinabangan ito sa mga transaksyon sa gobyerno, walang maipresintang ID.


Marahil, may kakulangan sa parte ng gobyerno dahil sa laki ng populasyon ng bansa, dapat ay inasahan na ang pagdagsa ng mga nagpaparehistro.


Kung susumahin, sa susunod na taon pa mareresolba ang backlog, kaya naman panawagan sa mga kinauukulan, bilisan ang pag-imprenta at pamamahagi sa mga nakatenggang IDs.


Bagama’t may ePhilID, pansamantalang solusyon lamang ito, at hindi ito ang kailangan natin.


Kailangang mabilis na maimprenta ang mga naturang ID upang mapakinabangan sa lalong madaling panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page