19 ft. na rebultong tanso ni Bryant masisilayan na
- BULGAR
- Feb 11, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 11, 2024

Maaaring masilayan na ng publiko ang bagong 19 na talampakang at 4,000 librang rebultong tanso ni Kobe Bryant sa labas ng Crypto.com Arena. Hango ang disenyo mula sa pagtaas ng hintuturo ng namayapang Los Angeles Lakers alamat matapos niyang magtala ng 81 puntos kontra Toronto Raptors noong Enero 22, 2006 suot ang kanyang unipormeng #8.
Ayon sa kanyang naiwang maybahay na si Vanessa, ito lang ang una sa tatlong nakaplanong rebulto. Magtatayo ng isa pa suot ang #24 na ginamit ni Bryant mula 2006 hanggang mag-retiro noong 2016 at isa pa kasama ang kanilang anak na si Gianna na kasama ng kanyang ama sa pagbagsak ng helicopter noong Enero 26, 2020.
Pormal na inilabas ang rebulto noong Pebrero 8 o 2-8-24 na angkop sa mga uniporme ng mag-amang Bryant. Tampok sa pribadong seremonya ang mga talumpati nina Coach Phil Jackson at Kareem Abdul-Jabbar at dinaluhan ng mga naging kakampi ni Bryant at pamunuan ng prangkisa.
Bago kay Kobe, pinarangalan ng Lakers sa kanilang mga sariling rebulto sina Kareem, Shaquille O’Neal, Magic Johnson, Jerry West, Elgin Baylor at ang boses ng koponan sa radyo at telebisyon na si Chick Hearn. Makikita ang mga ito sa paligid ng Crypto, ang tahanan ng Lakers mula pa 1998 noong ito ay kilala bilang Staples Center.
Samantala, nagpakitang-gilas ang mga kasalukuyang Lakers at baka mabigyan din sila ng rebulto pagdating ng panahon at tinambakan ang bisita New Orleans Pelicans, 139-122. Tiyak na nangunguna sa mga kandidato si LeBron James na double-double na 21 puntos at 14 assist.
First half pa lang ay umabot na ang 87 ang produksyon ng Lakers. Bumanat si D’Angelo Russell ng anim na three-points para sa 30 puntos at sumunod si Austin Reaves na may 27 at umangat ang Lakers sa 28-26 at ika-siyam sa Western Conference.








hello