Search
  • BULGAR

150 bahay, natabunan ng lahar sa Albay, 10 patay

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 2, 2020




Nanawagan ng tulong si Governor Al Bichara ng Albay ngayong Lunes matapos bayuhin ng Bagyong Rolly ang naturang lugar kahapon.


Tinatayang 10 katao ang namatay sa rehiyon ng Bicol, ayon sa Office of Civil Defense kung saan siyam sa mga ito ang nakumpirmang mula sa Albay at isa sa Catanduanes.


Ayon kay Bichara, isa ang patay sa Daraga, 1 sa Polangui at isa sa Malinao.


Tuloy naman ang pagsasagawa ng search and retrieval operations sa Guinobatan town, Albay para sa 3 kataong nawawala at tatlo ang patay dahil sa lahar mula sa Mt. Mayon, ayon kay Mayor Ann Yap Ongjoco.


Natabunan umano ng lahar ang 150 kabahayan na ikinamatay ng ilang residente.

Saad ni Bichara, "'Di namin ine-expect 'yung lugar kasi ‘di naman tinatamaan ng lahar ‘yun. Nag-overflow 'yung lahar dahil malaki 'yung deposit sa slope ng Mayon at siyempre, binugbog ng bagyo. Umapaw 'yung kanal at nag-iba ang direksiyon.”


Ayon naman kay Ongjoco, “‘Yung iba, lubog ang bahay, ‘yung iba, almost half ng bahay ang natabunan.


"Nag-preemptive (evacuation) naman po, ‘di naman po nagkulang ang LGU (local government unit) and barangay officials kaya lang itong area na ito po, ‘di naman po talagang dinadaanan ng lahar. Kumbaga, unforeseen po ‘yun."


Bukod sa housing assistance, nanawagan din ang mga opisyal ng ayuda sa pagkain at pondo para na rin sa COVID-19 pandemic.


Saad ni Bichara, "Kailangan natin dito, pagkain. Wala na silang iha-harvest ngayon. ‘Yung palay. Dalawang bagyo, sunuran (Bagyong Quinta at Rolly). Mga vegetables, sira na rin.


"Lahat ng LGU (local government units), gumastos sa COVID, tapos may Quinta pa. ‘Di tatagal, mauubusan kami rito. Kailangan talaga ng tulong galing sa national government."


Ayon din kay Bichara, halos 80 percent ng mga poste ng kuryente ang nasira ng Bagyong Rolly kaya matatagalang maibalik ang suplay ng electricity sa lugar.

Aniya, "Wala, matatagalan ito, bagsak ang mga poste ng kuryente.”

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.