14 sinakmal ng asong may rabies

ni BRT | June 12, 2023

Tinatayang 14 na residente sa Bgy. Calulut, San Fernando City, Pampanga ang isinugod sa ospital matapos makagat ng asong may rabies.
Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga sinakmal ay pawang mga bata.
Sa kuha ng CCTV camera sa isang talipapa sa nasabing barangay, kita ang pagpasok ng aso sa tindahan.
Ilang saglit pa, biglang inatake at kinagat ng aso ang mukha ng babaeng bantay na noo'y nakaupo lang at nagpapahinga.
May isa ring bata na biglang natumba nang patihaya paglabas ng pintuan ng kanilang bahay. Inatake rin ito ng aso at kinagat sa mukha.
"Iyong atake kasi is mabilisan, biglang magmo-move forward 'yung aso, kakagat tapos biglang aatras na agad tapos biglang tatakbo na sa ibang bahay," pahayag ni Dr. Ryan Paul
Manlapas ng San Fernando City Agriculture and Veterinary Office.
Napag-alamang Belgian Malinois ang breed ng asong nangagat. Namatay ito matapos hulihin at hampasin ng mga residente dala ng takot na baka sakmalin din sila.
Nang ipasuri ang aso sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory, nagpositibo ito sa rabies.
Naitakbo naman sa pagamutan ang mga nakagat ng aso at nabigyan ng anti-rabies post-exposure vaccination.
Sa ngayon, hindi pa rin matukoy kung sino ang nagmamay-ari sa asong nangagat.





Comments