13 menor-de-edad, 2 pa nasagip sa online sex trafficking sa Surigao del Sur
- BULGAR

- Aug 23, 2020
- 2 min read
ni Lolet Abania | August 23, 2020

Nasagip ng awtoridad ang 13 menor-de-edad at dalawa pang biktima mula sa online sex trafficking sa Bislig City, Surigao del Sur, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Archie Gamboa.
Ayon kay Gamboa, arestado rin ang limang suspek, na ang iba ay mga magulang ng biktima. Subalit, hindi na binanggit ang pangalan ng mga ito upang maprotektahan ang pagkakilanlan ng minor victims.
Nakatanggap ng impormasyon ang PNP mula sa Australian Federal Police tungkol sa isang network ng online sex traffickers sa Bislig City na nag-o-offer ng shows o palabas sa mga foreigners abroad at nagpapabayad ang mga ito.
Agad na nagsagawa ang mga tauhan ng PNP's Women and Children Protection Center (WCPC) at Anti-Cybercrime Group ng entrapment operations sa dalawang lokasyon sa Bislig City, kasama rin ang operatiba ng Caraga Region Police at ilang kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ang Regional Inter-Agency Council Against Trafficking (RIACAT).
Samantala, isinilbi sa isinagawang raid na mga bahay ang Warrants to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD), kung saan dito nadiskubre ang maraming ebidensiya ng child exploitation at trafficking, ayon kay Gamboa.
Sinampahan ang mga suspek ng criminal charges dahil sa paglabag sa Republic Act 9208, RA 9775 in relation to RA 10175 at RA 7610; gayundin, paglabag sa RA 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Dinala na ang mga suspek sa Bislig Municipal Police Station para sa booking at imbestigasyon.
Gayundin, isinailalim ang mga nasagip na biktima sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office sa Bislig City.
Nagbabala rin si Gamboa sa publiko, na patuloy nilang aarestuhin ang sinumang masasangkot sa online sex trafficking.
“I am warning the parents and guardians of minors who suffer abuse in their hands. We are tracking your illegal online sex operations. We know where you are, who you are dealing with and how you have profited from these deplorable acts. We will put you behind bars," sabi ni Gamboa.





Comments