- BULGAR
12 kilong shabu, nasabat sa headquarters ng courier service sa Cebu
ni Thea Janica Teh | August 16, 2020

Halos 12 kilo ng shabu ang nakuha sa headquarters ng isang courier service sa mandaue City Cebu nitong Sabado matapos magsagawa ng random inspection. Ito ay humigit-kumulang P81.6 milyon.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang nagsagawa ng inspeksiyon ay ang Regional Office-7 Seaport Interdiction Unit bandang 3:00 ng hapon.
Naamoy umano ng K9 ang tatlong black box na may LED spotlight na naglalaman ng ilegal na droga. Kaya naman agad itong isinailalim sa x-ray examination sa Pier 3 kung saan available ang x-ray machine.
Bukod pa rito, sinabi rin ng PDEA na ayon sa x-ray examination, naglalaman umano ang box ng organic substance na salungat sa idineklarang nilalaman nito.
Kaya naman agad itong binuksan at napag-alamang 12 kilo vaccum sealed na shabu ang laman ng mga box. Ito ay nakabalot pa ng black rubber.
Kinilala ang shipper at recipient ng box at ito'y haharap sa imbestigasyon at kaso sa korte.
Sa inilabas na statement ng nasabing courier service company, sinabi nito na makiki-cooperate sila sa PDEA sa imbestigasyon sa nangyaring insidente. “As a matter of security protocol, any suspicious items we find are immediately turned over to the proper law enforcement agencies for investigation. We reiterate that as a responsible and law-abiding corporate entity, we are committed to ensuring that no illegal items get through.”