top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

100% F2F classes sa Agosto, handa na ba lahat?

BULGAR
Jun 22, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 22, 2022


Full face-to-face classes.


Ito ang nais ipatupad ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio sa School Year 2022-2023 na magsisimula sa Agosto kapag pormal na siyang umupo bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd).


Ayon sa incoming VP, nagpalitan na sila ng liham ng komunikasyon ni outgoing DepEd Secretary Leonor Briones para sa transisyon sa ahensya.


Samantala, matatandaang inulat ng DepEd na nasa 38,000 paaralan mula sa pribado at pampublikong eskuwelahan sa bansa ang handa sa face-to-face classes sa susunod na school year.


Ang naturang mga paaralan ay pumasa sa assessment ng ahensya hinggil sa kahandaan nito sa pagpapatupad ng health protocols, kung saan ilan sa mga requirements upang matiyak ang kahandaan ng mga paaralan sa pagsasagawa ng in-person classes ay kailangang may well-ventilated classrooms at handwashing facilities.


Matatandaang nananatiling hati ang opinyon ng mga magulang hinggil sa face-to-face classes.


Habang maraming pabor, mas marami ang nangangamba dahil baka ito ang maging sanhi ng hawahan ng COVID-19, lalo pa’t maliit na porsyento pa lamang ng mga menor-de-edad ang bakunado.


Maganda kung makakabalik sa face-to-face classes ang lahat ng paaralan, pero bago ang lahat, sana’y matiyak natin na handa ang lahat ng paaralan, gayundin ang mga guro at mag-aaral. Higit sa lahat, kung pinahihintulutan ito ng mga magulang.


Gayunman, panawagan natin sa mga kinauukulan, bantayan muna nating mabuti ang sitwasyon ng COVID-19, lalo pa’t ayon sa mga datos, may nakikitang pagtaas ng bilang ng hawahan sa mga nakalipas na araw.


May panahon pa ang ahensya at gobyerno para pag-aralan at bantayan ang sitwasyon. Sana’y makatulong ito sa planong ipatupad sa pagpasok ng bagong administrasyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page