10% vaccine hesitancy, kaya pang pababain
ni Ryan Sison - @Boses | February 22, 2022
Matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na bigo ang pamahalaan na maabot ang limang milyong vaccination target sa ikatlong ‘Bayanihan, Bakunahan’ program, inanunsiyo rin na bumaba na sa 10% ang ‘vaccine hesitancy’.
Ang vaccine hesitancy ay ang kawalan ng tiwala ng mga Pilipino sa COVID-19 vaccines.
Gayunman, nilinaw ng kagawaran na sapat na ang naabot na 3.5 milyong indibidwal na kanilang nabakunaan noong Pebrero 10 hanggang 18.
Katwiran ng isang opisyal ng DOH, isa sa mga dahilan kaya hindi pa naabot ng pamahalaan ang target ay dahil mabagal pa rin ang pagbabakuna sa ilang lugar sa Mindanao na naapektuhan ng Bagyong Odette.
At isa sa mga pangunahing target ngayon ay mabakunahan ang mga senior citizen dahil 65% pa lamang ng kanilang populasyon ang nababakunahan.
Matatandang target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 90 milyong Pilipino bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo.
Kung tutuusin, mababa na ang 10%, pero kaya pa natin itong pababain kung mas marami tayong makukumbinse na magpabakuna.
Bagama’t hindi natin maaalis ang katotohanan na marami pa ring natatakot, tungkulin ng pamahalaan na maipaunawa sa mamamayan ang lahat mabuting epekto ng bakuna.
Halimbawa nito ang pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa, gayundin ang pagluwag ng mga pagamutan dahil bumaba na ang bilang ng tinatamaan ng malalang epekto ng sakit.
Kung talagang nais nating maabot ang target ng pamahalaan bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte, kailangan nating magdoble-kayod.
Kung kinakailangang magpasaklolo sa medical experts upang mas maipaliwanag ang kabutihang dulot ng bakuna, gawin na natin. Tiyak na handa silang tumulong, lalo pa’t para ito sa ikabubuti ng nakararami.
‘Ika nga, maraming paraan at kailangan lang nating magtiyaga pa at maging madiskarte.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments