Lalo na ngayong napakabilis ng oras, mga besh! MGA PARAAN PARA MAGING SULIT ANG PAGTULOG
- Justine Daguno
- Jul 11, 2019
- 2 min read

KABILANG ka ba sa napakaraming Pinoy na kulang sa tulog o sadyang antukin? ‘Yung tipong dahil sa sobrang pagod kahit buo ang oras ng tulog mo, parang kulang pa rin kaya tamang idlip na lang kapag may time.
Ayon sa pag-aaral ng Mayo Clinic, magandang habit ang pansamantalang pagtulog o pag-idlip, lalo na sa mga estudyante at empleyado na buong araw humaharap sa nakai-stress na mga gawain. Kaya para sa mga beshy nating suki ng ‘power nap’, narito ang ilang tips para ang ‘power nap’ natin ay maging ‘perfect nap’:
1. MAKE IT 20 OR 90 MINUTES LONG. Ayon sa MentalFloss.com., ang magandang dulot ng pag-idlip ay depende sa haba o tagal nito. Kung may time tayong makaidlip, makabubuti kung gagawin ito ng 20 minuto, nakatutulong ito sa indibidwal na maging alerto at magkaroon siya ng tamang konsentrasyon, samantalang, ang 90 minuto ay makatutulong upang mas gumana ang creativity ng tao.
2. CHOOSE YOUR PLACE TO NAP. Malamang, marami sa atin ang kayang makaidlip saanmang lugar o anumang pagkakataon, pero makabubuti kung pipiliin natin kung saan at kung kailan natin ito gagawin. Puwede tayong umidlip habang nasa biyahe o kapag breaktime para walang istorbo at makuha natin ang magandang epekto nito.
3. SCHEDULE YOUR SNOOZE AFTER LUNCH. Sa pag-aaral ng Prevention.com, natural sa sinuman ang makaramdam ng antok, partikular sa pagitan ng 1 p.m. at 3 p.m. dahil ang pag-idlip sa mga oras na ito ay hindi makaaapekto sa pagtulog sa gabi at natutulungan nitong ma-relax ang ating katawan. Gayunman, dahil alanganin ang mga oras na ito para sa karamihan, advisable ito para sa mga nasa bahay na may time umidlip o matulog.
4. CONSIDER A ‘CAFFEINE NAP’. Kung sobrang antok tayo at nawawalan ng focus sa ginagawa, ang pag-idlip pagkatapos uminom ng kape ay magandang ideya dahil malaki ang maitutulong nito upang ma-recharge ang ating sarili at isipan, bagama’t, medyo weird, epektibo ito.
5. TAKE A STRETCH. Makatutulong ang kaunting stretching bago umidlip para ma-achieve ang perfect nap. Ito ay upang makondisyon ang katawan at maiwasan ang pangangalay sa paggising.
Bagama’t, kayang-kaya nating ma-master ang ‘power nap’, iba pa rin kapag makakukumpleto tayo ng tulog. Hangga’t may pagkakataon, sikapin nating magkaroon ng sapat na tulog dahil ito ay paraan ng pag-aalaga sa ating sarili.




Comments