Zoo, tigil-operasyon... Empleyado, umaming tinapon ang bangkay ng asawa sa incinerator
- BULGAR

- 22 hours ago
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @Overseas News | April 30, 2026

Isang sikat na zoo sa Japan ang pansamantalang hindi nagbukas para sa summer season habang iniimbestigahan ng mga otoridad ang kaso ng isang empleyado na umano’y umamin sa pulisya na itinapon niya ang bangkay ng kanyang asawa sa incinerator ng zoo, na karaniwang ginagamit sa pagsunog ng mga namamatay na hayop.
Dahil dito, isinara muna ang Asahiyama Zoo sa Asahikawa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, at maaaring manatili itong sarado depende sa magiging resulta ng kaso.
Ayon sa ulat, iniulat na missing ang asawa ng empleyado bago lumutang ang naturang pahayag, kaya nagsagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang pulisya sa loob ng pasilidad.
Ang zoo, na dinarayo ng mahigit isang milyong bisita kada taon, ay kilala sa kakaibang disenyo ng mga kulungan ng hayop.
SAKIT NG ANAK PINEKE, NANAY, HIGIT 4 TAON KULONG
HINATULAN ng mahigit apat na taong pagkakakulong ang isang ina sa Australia matapos magkunwaring may cancer ang kanyang anim na taong gulang na anak upang makahingi ng donasyon at tustusan ang marangyang pamumuhay.
Ang 45-anyos na babae mula sa South Australia ay ginupitan ang buhok at kilay ng bata, nilagyan ng benda, at pinainom ng gamot upang magmukhang may malubhang sakit. Dahil dito, nalinlang ang pamilya, mga kaibigan, at komunidad ng paaralan, na nagbigay ng malaking halaga ng pera.
Nagsimula ang panlilinlang matapos magpatingin ang bata sa doktor dahil sa aksidente. Kalaunan, pinalabas ng ina na may kanser ito sa mata, pinagamit pa ng wheelchair at nilimitahan ang mga gawain upang magmukhang sumasailalim sa gamutan.
Ayon sa prosekusyon, ginamit ng ina ang kanyang anak upang makuha ang simpatya ng iba at pondohan ang marangyang pamumuhay. Samantala, iginiit ng depensa na ang kanyang ginawa ay dulot ng problemang pinansyal at maling pagpapasya.
Sa huli, hinatulan siya ng apat na taon at tatlong buwang pagkakakulong at maaari siyang mag-apply para sa parole sa susunod na taon.




Comments