Zodiac sign at weak number, dahilan kaya ‘di nagkaka-BF
- BULGAR

- Nov 16, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 16, 2020
Dear Maestro,
Matagal n’yo na akong tagasubaybay at naisipan kong sumangguni sa inyo upang ipaanalisa na rin ang aking kapalaran. Isinilang ako noong September 16, 1992, kailan ako magkaka-boyfriend nang seryoso at pangmatagalan? Kasi ‘yung ibang mga kaibigan ko ay may boyfriend na at ako na lang ang wala. Pansin ko, parang matagal yata akong magka-boyfriend sa aming magkakabarkada, bakit kaya?
Umaasa,
Raquel ng Gulod, Novaliches, Quezon City
Dear Raquel,
Minsan, medyo natatagalan talagang magkaroon ng seryosong girlfriend o boyfriend ang isang Virgo dahil kabilang sila sa tinatawag na "very analytical person" at nagkataon pang ang birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6-7) ay weak number. Ibig sabihin, imbes na puso o damdamin, isip at pag-aanalisa ang madalas nilang gamiting pamantayan sa halos lahat ng aspeto ng kanilang buhay, pati na rin sa pag-ibig. Dagdag pa rito, sa pagiging very analytical person ng mga Virgo ay sadya rin silang perfectionist pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, na hinaluan pa ng pangamba dahil sa birth date mong 16 o 7. Dahil weak ang number na 7, laging may manaka-nakang pag-aalinlangan at pangamba sa kanilang puso at isipan.
Dahil dito, dahil isip nang isip at kuwenta nang kuwenta ang isang Virgo, kadalasan ay mas nakikita nila ang negatibong katangian o nauuna nilang nakukuwenta ang kapintasan ng isang tao kaysa sa kabutihan at magagandang katangian ng kanilang opposite sex.
Ang mga bagay na nabaggit ang pangunahing dahilan kaya ang Virgo ay isa sa pinakamatagal magdesisyon pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon. Ang masakit pa nito, kahit nakapagdesisyon na ang tipikal na Virgo sa larangan ng pag-ibig, isip pa rin siya nang isip ng kung anu-anong negatibong bagay na animo’y hindi mapakali sa kanilang karelasyon.
Kaya kung hindi ka magbabago, tunay ngang matagal pa bago ka magka-boyfriend, subalit kung mas paiiralin mo ang puso at damdamin ng higit sa isipan at pangangatwiran at kapag may manliligaw ka na nagustuhan mo, ‘wag ka nang kuwenta nang kuwenta. Sa halip, hayaan mong ang damdamin at wagas na pag-ibig ang masunod. Kapag nagawa mo ang simpleng pormulang ‘ika nga nila ay “just go with the flow” at sundin ang sinasabi ng iyong puso, higit kang magiging maligaya at madaling makararanas ng masarap at matimyas na pag-ibig.
Ayon sa iyong Love Calendar, sa taong ito hanggang 2021, sa edad mong 28 pataas, eksaktong sa buwan ng Mayo o Oktubre, magkaka-boyfriend ka na, makapag-aasawa at panghabambuhay nang magiging maligaya.




Comments