Zamboanga Valientes MLV maglalaro sa Australia

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 12, 2020

Bagong hamon ang haharapin ng Zamboanga Valientes MLV sa kanilang paglahok sa BACT 3X3 Christmas Street Hustle simula ngayong araw ng Sabado sa Belconnen Stadium ng Canberra, Australia. Isa sa koponan ang Chooks To Go Pilipinas 3X3 at National Basketball League (NBL), patuloy pa rin ang layunin ng Valientes na ipamalas sa buong mundo ang kakayahan ng atletang Pinoy lalo na ang mga tubong Zamboanga.
Pangungunahan ang Valientes ni Christopher Concepcion na dating star guard ng Saint Francis of Assisi College sa Las Pinas at isa sa mga orihinal na Valiente. Sasamahan siya nina Eric Miraflores at mga malalaking sina Duom Dawam at Adam Compton.
Si Miraflores ay 16 taon nang naninirahan sa Australia at naglaro sa mga lokal na liga roon. Si Dawam ay naglaro saglit para sa Team B ng Ateneo de Manila University hanggang 2018 habang malaki ang potensyal ng 18-anyos lang na si Compton.
Magsisimula ang mga laro ng 8:30 a.m. oras sa Pilipinas, kung saan ang limang koponan sa Open Seniors ay maglalaro ng single round o apat na beses bawa’t isa. Ang apat na may pinakamataas na kartada ay tutuloy agad sa knockout semifinals sa 11:30 at championship sa 12:00 ng tanghali.
Ayon kay Rolando “Junnie” Navarro, mas maraming manlalaro galing Pilipinas ang lalakbay sana subalit nagkaroon ng suliranin sa quarantine na ipinatutupad ng Australia.
Para sa 2021, naghahanda na ang Valientes para sa pagbubukas muli ng kanilang mga liga na Chooks 3X3 at NBL. Mas malaki ang aasahan ng kanilang mga tagahanga dahil mga ganap na ligang propesyonal ang lalahukan kaya tiyak na gagawin ng koponan ang lahat na maangat ang antas ng paglalaro para sa Zamboanga.
Mahigpit na sinusunod ng koponan ang kanilang patakaran na kung maaari ay unahing isama ang mga manlalaro na ipinanganak, lumaki, nag-aral, nanirahan o may kahit anong ugat mula sa Zamboanga.





Comments