Yulo 12th place sa All-Around finals
- BULGAR
- Aug 1, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 1, 2024

Nagpasilip si Carlos Yulo ng kanyang kakayahan sa pagtapos ng ika-12 sa 24 kalahok sa Men’s All-Around finals ng Paris 2024 Artistic Gymnastics Huwebes ng madaling araw sa Accor Arena. Kahit bigo mag-uwi ng medalya ay may senyales na may parating sa mga susunod na araw.
Lumikom ng 83.032 puntos si Yulo mula sa anim na disiplina. Tatlong Asyano ang naghari sa pangunguna ni ginto Shinnosuke Oka ng Japan (86.832) at sinamahan ng dalawang taga-Tsina na sina pilak Zhang Boheng (86.599) at tanso Xiao Ruoteng (86.364).
Hindi maganda ang simula ng Pinoy at nahulog siya sa Pommel Horse at minarkahan ng 11.900 lang ng mga hurado. Bumawi siya at nagtala ng nakakagulat na 13.933 sa Rings na pangatlong pinakamataas upang bumalik ang pag-asa.
Sumunod ang isa sa kanyang paborito na Vault at madaling kumuha ng 14.766 na kapareho ng iskor ni Daiki Hashimoto ng Japan at hinigitan lang ng 14.833 ni Xiao. Nagbigay din siya ng solidong pagtanghal sa Parallel Bars (14.500) at Horizontal Bar (13.800) bago tuldukan ang laro sa kanyang paboritong Floor Exercise pero 14.333 lang ang nakuha niya.
Hahanapin na ni Yulo ang ginto sa finals ng Floor Exercise sa Agosto 3 at Vault sa 4. Nagtapos siya ng pangalawa sa qualifier ng Floor Exercise sa likod ni Jake Jarman ng Gran Britanya at pang-anim sa Vault.
Maliban kay Jarman na ang nanay ay tubong Cebu, haharapin din ni Yulo sa Floor Exercise finals sina Rayderley Zapata ng Espanya, Illia Kovtun ng Ukraine, Luke Whitehouse ng Gran Britanya, Zhang Boheng ng Tsina, Artem Dolgopyat ng Israel at Milad Karimi ng Kazakhstan. Hindi kalahok sina Hashimoto at Xiao sa Vault finals kaya sisikapin ni Yulo na daigin sina Nazar Chepurnyi at Igor Radivilov ng Ukraine, Harry Hepworth at Jarman ng Gran Britanya, Aurel Benovic ng Croatia, Artur Davtyan ng Armenia at Mahdi Olfati ng Iran.








Comments