Worried sa nanay na pinalayas dahil adik sa sugal at baon sa utang
- BULGAR
- Jul 14, 2021
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 14, 2021
Dear Sister Isabel,
Ang problema ko ay tungkol sa nanay ko dahil sobra siyang nahumaling sa pagpunta sa casino. Nananalo naman siya, pero mas madalas ang talo. Ngunit kahit ganu’n ay hindi pa rin niya mapigilang magsugal hanggang dumating sa punto na pati koleksiyon sa mga kliyente ng tatay ko ay nagasta na rin niya.
Nagulat na lang ang tatay ko dahil hindi pala niya naibabayad ‘yung koleksiyon sa mga bayarin hanggang nagpatong-patong na ang dapat bayaran at pati kami ay nabaon sa utang. Nagalit nang husto ang tatay ko sa kanya nang matuklasan na naipatalo sa casino ang pera na dapat magamit sa mga gastusin at iba pang bayarin kaugnay ng maliit naming negosyo.
Dahil du’n, pinalayas niya ang nanay ko at nakikituloy na lang siya sa kaibigan niya. Ang pinakahuling balita ko ay natigil na rin ang pagsusugal niya. Dinalaw ko siya at iyak siya nang iyak at sinabing nagsisisi na siya sa ginawa niya. Nakiusap din siya na kausapin ko ang tatay ko at makiusap na tanggapin siyang muli sa bahay namin. Ano ang dapat kong gawin?
Gusto ko na ring maibalik sa normal ang buhay namin, paano ko mapagkakasundong muli ang mga magulang ko? Nawa’y mabigyan ninyo ako ng kaukulang payo. Nag-iisa nila akong anak at ayaw kong tuluyang mawasak ang pamilya namin. Hihintayin ko ang payo ninyo.
Nagpapasalamat,
Geraldine ng Pampanga
Sa iyo, Geraldine,
Labis akong nalungkot nang mabasa ko ang problema mo. Tunay ngang ang pagsusugal ay nakaka-adik at mahirap pigilan ‘pag nalulong na ang isang tao sa casino. Mabuti na lang, ang pinakahuling balita mo sa mother mo ay tuluyan na siyang tumigil sa pagsusugal. Napag-isip-isip na niya marahil ang nagawa niyang pagkakamali sa buhay at palagay ko ay hindi na niya uulitin pa ito. Kausapin mo nang masinsinan ang iyong ama, manikluhod ka sa kanya na patawarin na ang nanay mo at muling ibalik ang maganda nilang pagtitinginan.
Ipaunawa mo rin na labis kang nahihirapan at hindi mapanatag ang iyong kalooban sa paghihiwalay nila. Hilingin mo sa kanya na gusto mong magkabalikan sila upang maging masaya ulit ang tahanan ninyo.
Sa palagay ko ay hindi naman kasing tigas ng bakal ang puso ng ama mo upang hindi niya patawarin ang iyong ina. Ipagdasal mo rin sa Diyos na tulungan ka at gabayan sa pakikipag-usap sa iyong ama upang mabalik na ang magandang samahan nila ng mother mo. Natitiyak kong sa mga darating na araw, babalik na ang kaligayahan at kapayapaan ng inyong pamilya. Lahat ng bagay ay nagkakaroon ng kalutasan sa pamamagitan ng dasal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments