ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | December 11, 2023
KATANUNGAN
Sa sa edad kong 51, bakit kaya ang dami-dami ko na agad nararamdamang sakit sa aking katawan? May rayuma na ako gayung bata pa naman ako. Sa palagay n’yo aabot pa kaya ako sa target age kong 75?
Ayoko naman kasing pahirapan ang pamilya ko, kung hindi na ako makatayo sa aking higaan at wala nang silbi, kawawa naman ‘yung asawa at mga anak ko.
Maestro, nakikita rin ba sa guhit ng palad kung ano’ng edad mamamatay ang isang tao? At kung gaano katagal ang haba ng buhay sa mundo?
KASAGUTAN
Masasabing parang wala ring kuwenta ang mabuhay, lalo na’t iisipin mong tumatanda, nagkakasakit at mamamatay lang din naman ang isang tao. Bakit nga ba kailangan pang magkasakit, manghina ang pisikal na katawan at pagkatapos ay mamamatay, gayung masarap pa namang mabuhay? Samantala, nakikita rin sa guhit ng palad kung gaano katagal ang ilalagi ng isang indibidwal sa mundong ito.
Sa kaso mo, nakatutuwa namang makita na humaba ang Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin (arrow a.), mararating mo pa ang “old age” na tinatawag, gayundin ang target mong edad na 75, kung ngayon pa lang ay mag-iisip ka na ng mapaglilibangan, tulad ng maliit na negosyo o makilahok sa isang public service o civic organization project na may layuning tumulong sa mga taong mahihirap at nangangailangan.
Kung anumang sektor ng lipunan na nais mong tulungan, puwede rin sa mga religious activities sa inyong lugar, kung saan, ayon nga sa mga pananaliksik ang pagsali sa mga samahang pang-simbahan ay sinasabing nakapagpapahaba rin ng buhay.
Dahil tunay ngang sa ganyang paraan, ‘pag nagkaroon ka ulit ng responsibilidad sa iyong kapwa, puwede ring maglingkod ka sa inyong simbahan, relihiyon o ikaw na ang magpaaral at mag-alaga sa iyong mga apo, ru'n naman sa parteng ‘yun ng iyong buhay, nagkakaroon ka nang silbi o bagong responsibilidad at tulad ng naipaliwanag na, tuluy-tuloy pang hahaba ang buhay mo at maaari mong abutin ang ideal age mo na 75 pataas.
MGA DAPAT GAWIN
Sa mga kabataan d’yan at ganundin sa mga malapit nang tumanda, tunay ngang dapat ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang iyong pagtanda at planuhin kung ano ang iyong gagawin sa panahon ng iyong retirement age, upang kapag dumating ang panahong ito ay hindi ka maging alagain at lumabas na kaawa-awa.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Rolando, kung ngayon palang lalabas ka na ng bahay at sasali sa mga gawaing may kaugnayan sa paglilingkod sa iyong kapwa. Kaya tulad ng nasabi na, dahil may silbi ka pa at marami pang mga taong dapat paglingkuran at mahalin, kusang hahaba at lalo pang magiging produktibo at maligaya ang pang-araw-araw mong buhay sa kapaligiran o sa lipunang iyong ginagalawan.
Comentarios