by Info @Editorial | Nov. 29, 2024
Ang ating bansa ay nasa isang yugto ng matinding pag-aaway at pagkakabahagi sa larangan ng pulitika.
Habang ang mga pulitiko ay nagkakagulo sa samu’t saring kontrobersiya, ang mga ordinaryong mamamayan, lalo na ang mga mahihirap, ay patuloy namang nakararanas ng matinding gutom at pangangailangan.
Habang ang ilang opisyal sa gobyerno ay matagal nang pinaliligaya ang sarili sa mga usapin ng kapangyarihan, sa kabilang banda, ang mga mahihirap ay patuloy na nagsu-survive sa mga hindi tiyak na sitwasyon ng buhay.
Ang gobyerno na dapat maglingkod at magbigay ng solusyon sa mga pangunahing pangangailangan ng nakararami, tila iba ang iniintindi.
Sa ngayon, sa kabila ng mga alegasyon at paratang sa mga kapwa lider, ang masakit na katotohanan ay ang lumalalang kalagayan ng mga mahihirap.
Habang ang mga pulitiko ay nagtatalo tungkol sa mga posisyon at benepisyo, ang mga simpleng tao ay nananatiling gutom, naghihirap, at walang katiyakan sa hinaharap.
Ang laging banta ng mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, at hindi sapat na serbisyong pampubliko ay nagiging sanhi ng mas matinding krisis sa bawat araw.
Ano ang silbi ng mga makapangyarihang talakayan at matatayog na pangako kung ang mga talakayan ay hindi nakatuon sa pagpapagaan ng pasanin ng mga nakararami?
Comments