Kaligtasan ng mga Pinoy sa Middle East, dapat unahin
- BULGAR

- 13 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | March 2, 2026

Muling uminit ang sitwasyon sa Gitnang Silangan matapos ang iniulat na pag-atake ng United States at Israel laban sa Iran.
Sa bawat pagsabog at pagganti, hindi lamang mga gusali at pasilidad ang nasa panganib—kundi pati ang buhay ng mga sibilyan, kabilang ang libo-libong Pilipinong naroroon upang maghanapbuhay.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang Gitnang Silangan ay tahanan ng napakaraming overseas Filipino workers—may mga caregiver, manggagawa sa agrikultura, at iba pang propesyonal na patuloy na nagseserbisyo sa kabila ng tensyon.
Ang ganitong pangyayari ay paalala na ang kaligtasan ng mga Pilipino sa ibayong-dagat ay hindi maaaring ipagpaliban o isantabi. Dapat tiyakin ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers, na may malinaw, mabilis, at epektibong contingency plan.
Hindi sapat ang simpleng advisory. Kailangang may konkretong hakbang—mula sa real-time communication system, updated na masterlist ng mga OFW, hanggang sa agarang repatriation kung kinakailangan.
Higit sa lahat, dapat may malinaw na koordinasyon sa mga embahada at konsulado upang masigurong may agarang matatakbuhan ang bawat Pilipino sa oras ng panganib. Ang bawat oras ng pagkaantala ay maaaring katumbas ng mas malaking peligro.
Ang mga employer at recruitment agencies ay dapat ding maglatag ng malinaw na safety protocols.
Ang sigalot sa pagitan ng malalaking bansa ay maaaring hindi natin kontrolado. Ngunit ang paraan ng pagprotekta sa ating mga kababayan ay nasa ating mga kamay.


Comments