Wish na magka-dyowa sa birthday, ‘di matutupad
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 22, 2022

KATANUNGAN
Wala akong boyfriend at masasabi kong malungkot ang aking buhay. Sabagay, kahit minsan ay hindi pa ako nagkaka-boyfriend, kaya parang sanay na akong maging single. Pero sa totoo lang, nararamdaman kong medyo nagkakaedad na ako.
Naisipan kong kumonsulta sa inyo, Maestro, upang malaman kung kailan ba ako magkaka-nobyo at aabot pa ba ito sa darating na kaarawan ko sa April 29?
KASAGUTAN
Malabo nang umabot sa mismong kaarawan mo na magkanobyo ka dahil mula sa araw na ito, humigit-kumulang isang linggo na lang ay birthday mo na. Gayunman, hindi ka pa rin dapat malungkot o manghinayang dahil kahit medyo napalayo ang dating ng Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) o ang pagitan ng Marriage Line (1-M) sa Heart Line ay malayo (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang nakatutuwa ay gumuhit pa rin nang mahaba at makapal ang nasabing “guhit ng pang-matagalan at seryosong relasyon” (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, may good news at bad news ang iyong palad sa iyo. Una, magkaka-boyfriend ka pa rin naman sa edad mong 26, habang ang bad news ay hindi na ito aabot sa nalalapit mong kaarawan. Sinasabi ring ang magiging nobyo mo sa taong ito ay hatid ng lalaking isinilang sa buwan ng Disyembre. Siya ay pihadong kakilala o nakikita mo na ngayon, pero hindi ka pa niya seryosong nililigawan. Gayunman, sa nalalapit na mga araw, liligawan ka na niya nang totohanan, hanggang sa pagsapit ng buwan ng Mayo ngayong taon at sa edad mong 26 pataas, sasagutin mo na siya at magiging magkasintahan na kayo.
DAPAT GAWIN
Madelyn, ayon sa iyong mga datos, mananatiling malamig at lonely ang iyong kaarawan sa Abril 29, subalit umasa kang makakabawi ka rin pagsapit ng panahong namumulaklak na ang mga punong-kahoy at mga halaman sa gilid ng NLEX at SLEX. Ito ay dahil may pangako ang kapalaran ng mainit at romantikong karanasan, na tulad ng nasabi na, hatid ng lalaking isinilang sa buwan ng Disyembre na may birth date na 7, 16, 20 o 25.




Comments