Willie Revillame, magdo-donate ng P5-M sa mga driver na apektado ng COVID-19
- BULGAR

- Aug 7, 2020
- 2 min read
ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 7, 2020

Viral si Willie Revillame sa Twitter matapos niyang ianunsiyo na magdo-donate siya ng P5-M sa mga driver na apektado ng COVID-19 pandemic.
Maraming driver ang hindi makapapasada dahil sa community quarantine na dulot ng corona virus at dahil dito ay napilitang mamalimos ang ilan sa kanila. Nakarating kay Willie ang kanilang hinaing.
Nanawagan ang TV5 host ng tulong ni Presidential Spokesman Harry Roque upang makarating sa mga driver ang P5-M donation niya.
Bukod dito, aniya ay magdo-donate rin siya ng P400,000 sa pamilya ng mga nasawing overseas Filipino workers (OFWs) sa naganap na trahedya sa Beirut, Lebanon nitong Martes.
Sey ni Willie, "Nakakadugo ng puso pag nakikita mo ‘yung mga namamalimos na mga jeepney drivers, du’n na nakatira. ‘Yung mga OFWs natin...
"Ako ay isang mamamayan na pinagpala, na nabanggit ko sa 'yo dati na gusto kong tumulong.
"Sa sarili kong pinag-ipunan, dahil naman po ako ay may trabaho ngayon at siyempre ay napakahirap, gusto kong tumulong una ru’n sa mga jeepney drivers, 'no.
"Sa tingin ko, ito ang unang kinakailangan. Nakita ko ‘yung sa Maynila, hirap na hirap. Nakita ko ‘yung sa Quezon City.
"I am willing to give, sa akin pong naipon. Hindi naman ito pagmamayabang 'no. Ito lang ang puwede kong maitulong sa gobyerno kasi hindi naman ako puwedeng lumapit kay Mr. President, sa mahal na Pangulo na, 'To, ibibigay ko.' Hindi magandang tingnan.
“Siguro sa inyo na lang, ang balak ko ho ay magbigay ng P5-M ngayon sa araw na ito, at ibibigay sa mga jeepney drivers na talagang namamalimos na.”
Aniya pa, "Meron akong tseke rito, para alam ng tao, inihanda ko ‘to P5-M para sa mga jeepney drivers.
"Ngayon, ito ang pangako ko, hindi ho ito pagbubuhat ng bangko dahil sobrang pinagpala ako. Dahil I think, sa industriya, ako lang ang may trabaho nang live.
"And then, P5-M ngayon. Next time, magbibigay ho ulit ako ng P5-M para ru’n ho sa mga taong talagang nangangailangan."
Saad naman ni Willie para sa mga pamilya ng mga nasawing OFW sa Lebanon, "Sa ating mga kababayan, nabasa ko ‘yung nangyari sa Beirut.
"Ito para pagtutulong, ito lubus-lubusin ko na. ‘Yung apat na pamilya pong naulila, I’m willing to give 100,000 each.”
Aniya ay kokontakin nila ang pamilya ng mga nasawing OFWs para sa ipaaabot niyang tulong.





Comments