top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

White: 'lang paki kay Conor, Pacman, dinenay ang laban

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 6, 2020
  • 1 min read

ni Gerard Arce - @Sports | August 6, 2020




Ayaw patulan ni Universal Fighting Championship (UFC) president Dana White ang tsismis o bali-balitang magkakaroon ng bakbakan sa pagitan nina Eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao at two-division mixed martial arts titlist Conor “The Notorious” McGregor sa hinaharap sa ibabaw ng boxing ring.


Wala umanong interes ang 51-anyos na American businessman sa mga naging litanya ng Irish fighter sa kanyang panibagong social media post na nakasaad sa salitang tagalog na “Tinatanggap ko” na tila may pagpayag ng isang hamon sa kanya.


Partikular na tinutukoy nito si Pacman na tila nagpapasaring o nagpaparamdam para matuloy ang inaasam na laban, matapos itong magretiro sa UFC noong Hunyo. Ngunit, tila napapasa-ilalim pa rin sa eksklusibong kontrata ang dating featherweight at Lightweight titlist sa promotional outfit.


I don’t care about any of that sh-t,” sambit ni White ng matanong ito sa UFC Vegas 5 press conference.


Matatandaang malaking pag-amin ang inilahad ng tinaguriang ‘Irish Bad Boy’ na nakikipagnegosasyon ito sa kampo ng World Boxing Association (WBA) welterweight champion upang sunod na makalaban kung saka-sakali.


Sinabi ng kontrobersyal na mixed martial arts fighter na “close to happening” umano ang nangyayaring negosasyon sa kanila ng kampo ni Pacquiao (62-7-2, 39KOs) ayon rito noon sa panayam ng beteranong mamamahayag na si Ariel Helwani na inilabas ng bloodyelbow.com.


Naging malinaw pa sa lahat ang pag-asang pagtatapat ng dalawa matapos pumirma ang 41-anyos na Filipino boxing icon sa sa Paradigm Sports Management at kay founder at President Audie Attar, na siyang may hawak sa karera ni McGregor.


Ngunit sa naging pahayag ng Pambansang Kamao sa panayam ng isang pahayagan sa bansa, sinabi nitong wala umanong nagaganap na negosasyon sa pagitan ng dalawang kampo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page