War on drugs, mas oks kung nakatutok sa drug lords at narcopoliticians!
@Editorial | April 8, 2022
Sa kabila ng problema sa kaliwa't kanang taas-presyo, nakapagtataka na bumabaha pa rin ng ilegal na droga.
Ayon sa mga awtoridad, umabot sa halos kalahating bilyong pisong halaga ng iba't ibang uri ng droga ang nasamsam sa Metro Manila noong nakaraang buwan.
Sa isinagawang 1,077 anti-drug operations, 2,010 katao umano ang nahuli.
Kaugnay nito, 719 sa 1,709 barangays o 42.19 porsyento ng kabuuang bilang sa buong Metro Manila ang idineklara nang ‘drug clear’. Tiniyak ng kapulisan na non-stop ang kanilang pagtugis sa mga sangkot sa illegal drugs hanggang sa tuluyan nang matuldukan ang problemang ito.
Nakapanlulumong isipin na sa kabila ng pagsisikap at pagiging patas ng marami sa ating mga kababayan na maitawid ang bawat araw sa gitna ng pandemya at krisis, may mga walang pakialam at pansariling interes pa rin ang inaalala.
Lantaran nilang binabastos ang batas at walang pakialam sa mga buhay na masisira dahil sa droga, basta kumikita.
Ito namang mga natutukso, sa halip ilaan sa pagkain ang pera, ipinambibili ng droga at kung anu-anong trip na ang ginagawa, damay ang pamilya.
Bagama't batid nating hindi perpekto ang war on drugs, sang-ayon pa rin tayo sa pagsupil sa ilegal na droga at mga gawaing kaugnay nito.
Mas mainam sana na talagang unahin ang mga drug lords at narcopoliticians dahil sila ang source ng lahat ng ito -- mas mabigat na parusa para sa kanila at sa lahat ng sangkot sa droga.



Comments