Walang kuryente sa 2023 dahil kapos sa budget
@Editorial | October 17, 2022
Habang tumatagal, hindi maitatanggi na pahirapan ang buhay. Tipong hindi na lang sa bahay ng simpleng mamamayan, kundi buong lipunan ay damang-dama ang krisis sa ekonomiya.
Bukod sa walang prenong pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bayarin, gasolina at iba pa, ngayon nama'y may bago na namang problema.
Nagbabadya ang malawakang brownout sa bansa na posibleng maranasan sa susunod na taon.
Ito ay kaugnay sa babala ng National Power Corporation (Napocor) sa oras na tuluyang matapyasan ang kanilang hinihinging corporate operating budget para sa susunod na taon.
Posible umanong mag-shutdown ng nasa 200 power plant sa bansa at power outage sa mahigit isang milyong sambahayan sa katapusan ng Hulyo 2023.
Nasa P12.5-B ang ibinawas ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang hinihinging budget na nagkakahalaga sa Php 44.7 bilyon.
Sa pahirap nang pahirap na sitwasyon, gobyerno na lang ang masasandalan ng mamamayan.
Kung tayo nga ay kailangang maging madiskarte sa pagba-budget, higit pa ngayon ang inaasahan natin sa pamahalaan.
Bukod sa pag-aralan muna nilang mabuti ang mga pagkakagastusan, sana'y maging tapat sa serbisyo nang sa gayun ay hindi kapakanan ng mamamayan ang nakokompromiso.



Comments