Wala raw shortage sa paracetamol, pero wala namang mabili?
- BULGAR
- Jan 5, 2022
- 1 min read
@Editorial | January 05 , 2022
Marami nang nagsasabi na tila nagkakaubusan na ng paracetamol at iba pang gamot.
Sa ganitong panahon pa naman uso ang lagnat, sipon, ubo at trangkaso, dagdag pa ang nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Agad namang tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang kakulangan ng paracetamol sa bansa.
Siniguro ng pamunuan ng DTI sa publiko na may sapat na suplay ng paracetamol ang gobyerno sa gitna ng inaakalang kakulangan nito.
Wala rin umano silang natatanggap na ulat ng kakulangan ng suplay.
Pero, kung bibili ka nga sa ilang drug stores, sinasabi nilang wala pang stock.
May mga ulat din ng maramihang pamimili ng gamot.
Huwag naman sanang matulad ito sa mga naging sitwasyon noon na may naganap na hoarding sa mga gamot o supply na kinakailangan kontra-COVID.
Ito ‘yung senaryo na may mga mapagsamantalang mag-iimbak ng supply saka ibebenta nang mahal.
Mga walang konsensiya!
Hindi na naisip ang kapakanan ng kapwa. Ang nasa isip lang ay kung paano kumita ng pera, paano makakapanlamang ng ibang tao.
Hindi naman sila nagtagumpay, ‘yung mga na-hoard na face mask at face shield, ngayon nakatambak na lang.
Hindi pa ba kayo nadala o hindi n’yo ba nasaksihan na sa gitna ng pandemya, walang mayaman o mahirap. ‘Pag tinamaan ka ng sakit dahil sa anumang dahilan o ‘ika nga nila, kung talagang oras mo na, wala ka nang magagawa. Pero, kahit ganun, hindi ba’t magaan sa pakiramdam na kunin ka man ngayon o anumang araw, haharap ka sa paghuhukom na alam mong wala kang inagrabiyado, wala kang tinapakang tao?
Maraming itinuro ang pandemya, sana ay may napulot naman tayo, tulad ng kung paano maging makatao.



Comments