Wais na pamimili, dagdag-tulong sa taas-presyo ng mga bilihin
@Editorial | September 25, 2022
Nagsimula nang magtaasan ang presyo ng mga produktong pang-Noche Buena.
Ngayon pa lang, umaaray na ang mga mamimili.
Una nang nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) na posibleng tumaas pa ang presyo ng ilang Noche Buena products batay sa kanilang naging monitoring sa ilang mga pamilihan kung saan ay nakakita sila ng pagtaas sa presyo mula P5 hanggang P65 sa ilan sa mga ito. Dahilan kung bakit pinayuhan rin ng kagawaran ang publiko na maaga pa lang ay mamili na ng kanilang mga panghanda sa Noche Buena.
Kaya ang mga nakakaluwag-luwag sa buhay, namimili na. Ito ay kahit may mahigit tatlong buwan pa bago sumapit ang mismong araw ng Pasko sa bansa. Paniwala nila, mas lalo pang tataas ang presyo ng mga bilihin 'pag malapit na ang selebrasyon.
Habang ang iba, nakatuon pa rin sa mga pang-araw-araw o pangunahing ginagamit at kinakain, na nagtaasan na rin ang presyo.
Tulad ng mga nagdaang Pasko, posible pa ring bawasan na lang ang dami ng ihahanda sa Pasko. Hindi rin naman kailangang magarbo. 'yung tipong may mai-post online. Ang mahalaga magkakasama ang pamilya sa Kapaskuhan at may isasaing kinabukasan.
Sa panahon ngayon na halos lahat ng bilihin at serbisyo ay nagtataas, kailangang maging wais. Alamin mabuti ang kailangan at ang gusto. Kung walang sapat na laman ang bulsa, huwag magpilit.



Comments