‘Wag matakot, nagagamot ang TB
ni Ryan Sison @Boses | March 19, 2023
Dahil sa epektong dulot ng pandemya ng COVID-19, kaya apektado ang TB detection at treatment program ng pamahalaan at nakapag-record ng tinatayang 470,000 kaso ng tuberculosis noong nakaraang taon.
Sa pahayag ni Dr. Ronald Allan Fabella, TB advisor ng disease prevention and control bureau ng Department of Health (DOH), nakapagtala na tayo ng nasa 470,000 cases na nagsimula na rin ng gamutan. Subalit sa estimate ng World Health Organization (WHO), kulang pa aniya ‘yun sa talagang dapat nating nakikita at tinatantya nila na mayroong 700,000 Pilipino ang may TB taun-taon.
Sinabi ng opisyal na ang pagbaba ng bilang ng mga kaso ay hindi nangangahulugan na tagumpay na sa pagsugpo ng tuberculosis. Sa TB control, ang importante ay matigil ang transmission nito.
Para matigil ang transmission o hawahan, kailangan na ma-detect ito agad at magamot.
At kapag maraming nade-detect at naggagamot nito, mas mabilis naman ang pagkawala ng naturang sakit, sabi ni Fabella.
Batay sa isang report mula sa WHO, ang Pilipinas ay nakapagtala ng 741,000 TB cases, na may 60,000 namatay noong 2021.
Ang TB, paliwanag ni Fabella, ay dulot ng bacteria na tinatawag na Mycobacterium tuberculosis na kadalasang nakakaapekto sa lungs at ito ay kumakalat mula sa tao patungo sa tao sa pamamagitan ng hangin.
Gayundin aniya, ang karaniwang sintomas ng isang active lung TB ay ubo na may sputum at dugo paminsan, pananakit ng dibdib, panghihina, weight loss, lagnat at night sweats. Subalit giit ni Fabella na ang TB ay isang treatable at curable na sakit.
May mga pamamaraan at medisina na tayo na maaaring magamit ng isang indibidwal sakali mang tamaan ng tuberculosis.
Hindi tulad noon na mahirap gamutin ang naturang sakit, lalo na sa mga kababayan nating nakatira sa liblib na lugar dahil sa malayo na at wala talagang nadiskubre pang gamot para rito.
Subalit sa ngayon, dahil na rin sa siyensiya ay mayroon nang panlaban sa sakit na tinatawag na TB-DOTS na programa ng ating gobyerno.
Marahil, ang kailangan lang nating gawin ay magpatingin sa mga doktor para hindi tayo tamaan ng ganitong uri ng sakit.
Huwag din tayong matakot na magpagamot dahil may medisina para rito. Maaaring matagal ang magiging gamutan nito pero kung iisipin at sisimulan na itong gawin ay hindi maglalaon na nakarekober na sa sakit.
Mas mabuting agapan na ito kaysa lumala pa at magresulta sa kamatayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments