Wa’ ‘wentang bf, ‘di na makakabalikan
- BULGAR
- Aug 27, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 27, 2022
Dear Maestro,
Nakilala ko ang ex-boyfriend ko sa Facebook, hanggang sa tumagal ang aming relasyon nang halos isang taon. Bihira kaming magkita, pero sa tuwing nagkikita kami ay may nangyayari sa amin hanggang sa nagbunga ang lahat ng ginawa namin. Kabuwanan ko na, at ang masakit, mula nang malaman niya na buntis ako ay hindi na siya nagpakita sa akin.
Hindi ko alam kung bakit bigla siyang nagbago hanggang sa malaman ko na tatlo pala kaming babae sa buhay niya. Muntik na rin niyang mabuntis ang dalawa pa niyang babae at ngayon ay nabalitaan ko na bigla na lang siyang nag-asawa at nagsasama na sila nu’ng bago niyang babae.
Maestro, ano’ng gagawin ko? Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako na magkakabalikan kami dahil mahal na mahal ko pa rin siya, lalo na ngayong magkaka-baby na kami, pero bakit parang wala siyang pakialam sa amin ng anak niya at hindi niya kami kinokontak?
Gusto kong malaman kung may pag-asa pa bang bumalik siya sa akin, alang-alang man lang sa bata? Kung hindi siya ang nakatakda para sa akin, kailan ko matatagpuan ang lalaking makakatuluyan ko?
Pagod na akong makipagsapalaran at gusto ko nang lumigaya. February 23, 1996 ang birthday ko, habang September 17, 1990 naman ang birthday ng ex-boyfriend ko.
Umaasa,
Menchie ng Talon Uno, Las Piñas City
Dear Menchie,
Tunay ang sinasabi na kahit compatible sa Oriental Astrology ang zodiac sign mong Pisces sa zodiac sign niyang Virgo, at ang birth date mong 23 o 5 (ang 23 ay 2+3=5) sa birth date na 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) ng boyfriend mong nakabuntis sa iyo, kung hindi ka naman niya mahal, wala ring mangyayari sa compatibility.
Tandaan, ang compatibility theory o batas ng compatibility na araw-araw nating tinatalakay ay isang gabay lamang sa maligaya, matagumpay at panghabambuhay na relasyon.
Ngunit ano ang saysay ng compatiblity kung wala namang pag-ibig na namamagitan sa inyong dalawa o sa ibang salita, ano ang saysay ng compatibility kung likas na babaero at walang kuwenta ang iyong boyfriend? Wala, walang saysay ang compatibility sa walang kuwentang lalaki.
Ganundin ang nangyari sa karanasan mo, bagama’t nagkikita kayo noon at humahantong sa pagtatalik, at nang mabuntis ka ay wala lang sa kanya, nangangahulugan ito na dapat mo nang tanggapin ang katotohanan na hindi ka talaga niya mahal, bagkus, binuntis ka lang niya. Marahil, ito na ang tamang panahon upang ikaw ay mag-move on.
Minsan, kahit mahal natin ang isang lalaki o babae, pero kung nagkataong wala siyang kuwenta, hindi na mo na siya dapat pang mahalin.
Simple lang namang kalimutan ang isang lalaki o babae kung iisipin mong siya ay wala namang kuwentang tao. Dapat ka lang malungkot kapag nawala ang may kuwenta, tapat at mabait na tao sa buhay mo. Pero kung ang mawawala ay sinungaling, manloloko at walang kuwentang nilalang, isipin mong mabuti, ano ang panghihinayangan mo sa kanya? Wala, dahil siya ay walang kuwentang tao.
Sa susunod, huwag ka nang pipili ng lalaking Virgo kahit ka-compatible mo siya sa Oriental Astrology, higit lalo kung 8, 17 at 26 ang kanyang birth date dahil ang totoo, ang mga Taong Otso (8) ay wala talagang kuwenta pagdating sa seryoso at totoong pag-ibig. Para kasi sa kanila, hindi pag-ibig ang mas mahalaga kundi ang sarili nilang kapakinabangan at ikakatagumpay sa buhay.
Kaya sa susunod, ang dapat mo talagang makarelasyon upang lumigaya ka at makasumpong ng panghabambuhay na relasyon ay silang mga isinilang sa zodiac sign na Cancer, Scorpio at Sagittarius, at kapwa mo Pisces, pero siguraduhin mong hindi na 8, 17 at 26, ang kanilang birth date, sa halip, ang mga birth date na talagang compatible sa iyo ay silang mga isinilang sa mga petsang 5, 14, 23, 8, 17, at 26.
Sa sandaling nilimot mo na ang lalaking nakabuntis sa iyo at nag-move on ka nang tuloy-tuloy, tiyak ang magaganap, mag-concentrate ka na lang sa pagpapayaman, hanapbuhay o pag-a-abroad dahil ang birth date mong 23 o 5 sa destiny number na 5 rin (2+23+1996=2021/ 20+21=41/ 4+1=5), ay nagsasabing aasenso o unlad ka sa larangan ng salapi at kapag nagtagumpay ka na sa career, sa pinansiyal, sa eksaktong salita, mayamang-mayaman o maalwan na ang buhay mo sa materyal na bagay, kasabay nito ay darating ang lalaking magpapaligaya sa iyo habambuhay, kahit sabihin pang may anak ka sa pagkadalaga. Gayundin, ang pagdating ng naturang lalaki ay maghahatid sa iyo ng maligaya at panghabambuhay na pag-ibig, na magsisimulang mangyari sa taong 2024 at sa edad mong 28 pataas.


Comments