VIP sa pagbabakuna, out!

@Editorial | March 6, 2021
Marami ang pumuna nang makita ang ilang opisyal ng gobyerno na nagpabakuna laban sa COVID-19 na nauna pa sa mga healthcare workers.
Kaugnay nito, nagbabala ang isang opisyal ng World Health Organization (WHO) sa posibleng maging epekto ng hindi pagsunod sa vaccine prioritization sa mga susunod pang shipment ng bakuna mula COVAX facility.
Hindi naman nabanggit kung ihihinto ng COVAX ang distribusyon kung mabibigo ang bansa na sundin ang prioritization. Huwag naman sana, dahil kapag nagkataon ay nganga.
Isa ang Pilipinas sa mga nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon ng vaccines mula sa nasabing facility.
Sa ilalim ng National Vaccination and Deployment Plan for COVID-19 vaccines, ang mga frontline healthcare workers ang pinakauna sa priority list na dapat mabakunahan.
Gayunman, ilang government officials ang naturukan mula sa donasyong Sinovac vaccine ng China. Matatandaang tanging sina Vaccine Czar Carlito Galvez, National Task Force deputy chief implementer Sec. Vince Dizon at MMDA chairman Benhur Abalos lamang ang pinayagan ng Interim National Immunization Technical Advisory Group na mabakunahan, sa pag-asang mapapataas ang kumpiyansa ng publiko.
Nauunawaan natin ang kagustuhan ng mga opisyal na gobyerno na mahikayat ang kanilang nasasakupan na magpabakuna sa pamamagitan ng sila mismo ang mauna subalit, may sinusunod tayong panuntunan.
Sa pamamagitan ng priority list ay magiging maayos ang pagbabakuna sa kabila ng limitadong supply at higit sa lahat, upang maiiwasan ang VIP treatment sa sinuman.
Kaya ang panawagan sa lahat ng taga-gobyerno, palagi tayong manguna sa pagsunod sa mga batas at panuntunan at hindi pasimuno sa paglabag.



Comments