Utak ng gulo at putukan sa Senado, ilantad
- BULGAR

- 9 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 15, 2026

Ang nangyaring gulo at putukan sa Senado ay lubhang nakababahala na hindi dapat maliitin at palampasin.
Sa gitna ng tensyon kaugnay ng umano’y posibleng pag-aresto kay Senador Ronald "Bato" dela Rosa, umalingawngaw ang mga putok ng baril sa loob mismo ng institusyong inaasahang tagapangalaga ng batas at demokrasya.
Maraming mamamahayag at empleyado ang natakot at napilitang maghanap ng ligtas na lugar habang nananatiling magulo ang sitwasyon.
Dahil dito, lalong tumitibay ang panawagang magsagawa ng masusing imbestigasyon. Kailangang malaman kung sino ang nagpaputok, ano ang tunay na motibo, sino ang utak, at bakit umabot sa ganitong kaguluhan.
Hindi sapat ang mga pahayag na “wala kaming kinalaman” o “wala munang aarestuhin.” Ang taumbayan ay may karapatang malaman ang katotohanan, lalo na’t nangyari ito sa loob ng isang mataas na institusyon ng gobyerno.
Nakababahala rin na ang Senado—na dapat ay lugar ng mahinahong debate at paggawa ng batas—ay nasangkot sa eksenang may takbuhan, lockdown, at putukan. Ipinapakita nito kung gaano kalalim ang tensyon sa pulitika at kung paano naaapektuhan ang imahe ng pamahalaan.
Kapag ang mga pinuno mismo ay nasasangkot sa kaguluhan, nawawalan ng tiwala ang mamamayan sa sistema ng hustisya at pamamahala.
Mahalagang manaig ang batas at hindi ang impluwensiya o kapangyarihan ng sinuman. Ang insidente ay dapat magsilbing babala na ang anumang uri ng karahasan sa loob ng pamahalaan ay hindi kailanman katanggap-tanggap. Dapat itong imbestigahang mabuti upang mapanagot ang may sala at mapanatili ang dignidad ng Senado at ng buong gobyerno.



Comments