“Unwanted child” gustong ipaampon
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 18, 2022
Dear Maestro,
May tatlo na kaming anak, pero hindi sinasadyang naging apat ito. Masasabi kong unwanted child ang bunso dahil hindi pa namin planong sundan ang mga bata. Ang problema, babae ang pang-apat naming anak, samantalang dalawa na ang babae namin at isang lalaki. Okey sana kung lalaki, para dalawang lalaki at dalawang babae na ang anak namin.
Kaya ngayon, balak namin siyang ipaampon at payag naman ang mister ko. Bago namin ipaampon ang bata, nais kong ipasuri sa inyo ang kanyang birth date kung susuwertehin ba kami sa kanya o hindi. April 16, 2022 ang birthday niya, habang December 1, 1980 ang birthday ko at October 17, 1978 naman ang mister ko.
Umaasa,
Mrs. Confused ng Karuhatan, Valenzuela City
Dear Mrs. Confused,
Alam mo, ang mga batang may “weak number” tulad ng 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, gayundin silang mga batang may neutral number na 5, 14, at 23, ay suwerte sa mga magulang na may strong number tulad mo na may birth date na 1 at tulad ng mister mo na may birth date na 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8).
Ang weak number na 16 (ang 16 ay 1+6=7) ng baby n’yo ang magbabalanse sa sobrang strong number n’yong mag-asawa, kaya hindi n’yo siya dapat ipaampon.
Ang ikinaganda pa nito, lumalabas na ka-compatible mo ang nasabing baby dahil siya ay isang Aries. Ang Aries at zodiac sign mong Sagittarius ay compatible sa isa’t isa, kaya siguradong darating ang panahong siya ang magiging tagapagtanggol mo sa iyong mabagsik na asawa.
Ibig sabihin, ang batang ‘yan ang magiging tagapagtanggol mo sa panahong nag-aaway kayong mag-asawa. Gayundin, aaluin o hahagkan ka niya sa panahong umiiyak ka sa isang sulok dahil inaway ka ng iyong mister. Sasabihin niya, “Mama, tahan na!”
Ganu’n ang magiging papel ng batang ‘yan sa inyong relasyon at posible ring maging successful siya sa career. Siya rin ang maiiwanan sa inyong tahanan sa panahong nagkaroon na ng kani-kanyang pamilya ang iba mong anak. Ang ending, habang sinasanay niya ang kanyang propesyon sa panahong siya ay dalaga na, siya ang magiging kasama at aalalay sa inyong mag-asawa habang kayo ay tumatanda.
At sa panahon namang siya ay may pamilya na, ang magiging apo n’yo naman ang magiging kasiyahan n’yo sa buhay habang unti-unti kayong kinukubabawan ng pagtanda.
Kaya tulad ng naipaliwanag sa itaas, hindi n’yo dapat ipaampon ang batang may birth date na April 16, 2022 dahil lang “unwanted child” siya. Bagkus, dapat n’yo pa siyang arugain at mahalin. Gayundin, dulutan ng hustong pag-aalaga at pagkalinga dahil sa takdang panahon, siya ang hindi inaasahang magbibigay ng dagdag na ligaya at hindi maipaliwanag na suwerte sa inyong pamilya.




Comments