top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

University belt, ginawang pugad ng droga, aksyunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 20, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | Oct. 20, 2024



Editorial

Isa na namang pugad ng ilegal na droga ang bistado.


Sa kamakailang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), isang bahay ang sinalakay kung saan walong indibidwal ang naaresto.


Nakakaalarma ang sitwasyon dahil naganap ito sa University Belt, isang lugar na sentro ng edukasyon at tahanan ng maraming estudyante. Ito’y hindi lamang isang hamon sa kapayapaan ng komunidad, kundi pati na rin sa kaligtasan ng mga kabataang maaaring madamay o maimpluwensyahan ng ganitong klaseng ilegal na aktibidad.


Marami na umanong residente at estudyante ang nagrereklamo, at ang ganitong uri ng operasyon ay tila isang paalala na ang ilegal na droga ay nananatiling banta sa lipunan.


Ang mensahe ng NBI na bagama’t wala na ang mas agresibong kampanya ay isang babala sa mga masasamang loob na hindi natutulog ang batas.


Ngunit, ang tanong na dapat sagutin ay kung sapat ba ang kasalukuyang estratehiya?


Sa kabila ng matagumpay na operasyon, ang isyu ng droga ay hindi lamang nagtatapos sa mga raid at pag-aresto. Ang katotohanan na nagagawa pa ring mag-operate ng mga drug den sa kabila ng mga kampanya laban dito ay nangangahulugang mayroon pa ring malalim na problema sa mga institusyon at sa enforcement ng mga batas.


Nakalulungkot na ang komunidad, partikular na ang mga estudyante, ay nasasangkot o nadadamay sa mga ganitong isyu na nagdudulot ng takot at kawalan ng tiwala sa paligid.


Ang laban kontra droga ay hindi lamang laban ng mga kapulisan. Ito ay laban ng bawat mamamayan, pamilya, at komunidad.


Kailangan natin ng mas matibay na sistema ng suporta para sa mga nalululong sa droga, mula sa pagpapakalat ng tamang impormasyon hanggang sa pagbibigay ng tamang rehabilitasyon at tulong.


Patuloy ang laban, hindi tayo dapat magpahinga. Dapat maging malinaw ang mensahe, walang puwang ang droga sa ating lipunan, at ang ating gobyerno, kasama ang mga mamamayan, ay magpapatuloy sa pagprotekta sa ating kinabukasan — hindi lamang para sa kasalukuyan, kundi para sa mga susunod na henerasyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page