top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

United City, lider at perpekto na sa tatlong laro sa PFL

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 5, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 5, 2020




Bumaha ang mga goal sa 10-0 panalo ng United City sa Maharlika Manila sa pagtatapos ng ikatlong araw ng 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways noong Martes sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Kasabay ng 1-1 tabla ng Stallion Laguna at Kaya Iloilo, nag-iisa na ang UCFC sa liderato ng liga na may perpektong siyam na puntos mula sa tatlong laro.


Nasalba ng Stallion ang tabla salamat sa goal ni Jhan Melliza sa ika-79 minuto galing sa pasa ng reserbang si Ricardo Sendra. Nakauna ang Kaya 10 minuto pa lang ang nakakalipas sa laro sa goal ni Jovin Bedic subalit nahirapan silang makuha ang pangalawa at paniguradong goal.


Parehong nagsumite ng hat trick o tig-tatlong goal sina Robert Lopez Mendy at OJ Porteria para sa UCFC. Sa first half pa lang ay lumamang agad ang UCFC, 4-0, sa likod ng mga goal buhat kay Mike Ott (16th), Bienvenido Maranon (19th), Stephan Schrock (33rd) at Porteria (39th).


Pinalitan si goalkeeper Henri Bandeken ni Enrique Ortiz sa simula ng second half ngunit wala siyang nagawa upang mapigil ang pagragasa ng UCFC at napasok ni Lopez Mendy ang kanyang tatlong sunod-sunod na goal sa ika-49, 57 at 63 minuto. Sinundan ito ng penalty kick ni Porteria sa ika-71 minuto at isa pa galing kay Ott bago tuldukan ni Porterio ang laban sa ika-75 minuto.


Ang pinakamalaking panalo sa apat na taon ng PFL ay naitala ng Ceres Negros kontra sa Global Cebu, 13-0, noong Agosto 28, 2019 sa Aboitiz Pitch sa Lipa City, Batangas. Karamihan ng manlalaro ng Ceres ay lumipat sa UCFC noong Hulyo matapos ibenta ang koponan sa mga bagong mamumuhunan.


Dahil sa laki ng lamang, nagawa ni Coach Frank Muescan na pahingahin ng maaga ang kanyang mga superstar para sa kanilang susunod na laban ngayong Biyernes kontra Stallion simula 8:00 p.m. Bago noon, magtatapat ang Maharlika at Azkals Development Team sa 4:30 p.m.


Patitibayin nila ang hawak sa puwesto kontra sa Mendiola 1991 sa 9:00 a.m. Nasa pangalawang puwesto ang Kaya na may 7 puntos buhat sa dalawang panalo at isang tabla at sinusundan ng ADT at Maharlika na parehong may 3 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page