Unico hijo, gusto nang magsolo pero tutol ang madir
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 23, 2022
Dear Sister Isabel,
Magandang araw sa inyo. Nais kong humingi ng payo sa inyo tungkol sa anak ko na gusto nang bumukod. Kaisa-isa namin siyang anak at masasabi kong wala pa siya sa hustong gulang dahil 19-anyos pa lang siya.
Bagama’t lalaki ang anak namin, may barkada siyang bakla. May sideline siya at kumikita na dahil siya ay nagba-vlog, kaya malakas ang loob na humiwalay sa amin at magsarili na.
Ano ang puwede naming gawing mag-asawa para hindi siya umalis sa aming puder? Sana ay mapayuhan n’yo ako ng dapat naming gawin. Hihintayin ko ang inyong payo.
Nagpapasalamat,
Gertrudes ng Bacoor, Cavite
Sa iyo, Gertrudes,
Natural lamang na mag-alala ka sa kaisa-isa mong anak na gusto nang magsolo sa buhay. Gayunman, kausapin mo siya nang mahinahon at sa malumanay na pagsasalita na may halong pagpaparamdam ng iyong pagmamahal bilang ina.
Tiyempuhan mo na nasa maganda siyang mood at magluto ka muna ng paborito niyang pagkain, pagsalu-saluhan n’yo at pagkatapos ay unti-unti mong sabihin ang mga gusto mong sabihin.
Sa palagay ko ay mag-iisip-isip muna siya bago tuluyang bumukod sa inyo. Ipagdasal mo nang taimtim sa Diyos na hawakan ang puso at kalooban ng anak mo para hindi na niya ituloy ang kanyang balak.
‘Ika nga, walang imposible sa Diyos, diringgin Niya ang iyong dasal, lalo na kung ito ay buong taimtim at walang halong pag-aalinlangan. Lakip nito ang dalangin ko na pakinggan ka ng anak mo at huwag nang ituloy ang balak niyang mamuhay nang solo.
Umasa kang magkakaroon ng kalutasan ang iyong problema at susunod ang anak mo sa lahat ng iyong sasabihin.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments