top of page

Unggoy, nagdadala ng saya sa pamilya at tropa

  • BULGAR
  • Mar 24, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 24, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy.


Kung ikaw ay isinilang noong 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Ang Unggoy o Monkey ay siya ring zodiac sign na Leo sa Western Astrology, na nagtataglay ng ruling planet na Sun o Araw.


Sinasabing higit na maharot at masayahin ang mga Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa mga kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.


Isa sa mga pangunahing katangian ng Unggoy ang pagiging malakas at buo ang loob. Kaya mapapansin mo na hindi natatakot na magpabaging-baging sa punong-kahoy ang Unggoy nang paisa-isang kamay lamang sa baging ng kapalaran at kahit minsan ay hindi nila inaalala na sila ay mahuhulog. At wala naman talagang Unggoy na nahulog sa kabiguan ng buhay dahil kapag sila ay dumaraan sa mga pagsubok, madali silang nakakarekober at nakakaahon dahil dama nila ang tiwala na kayang-kaya nilang mapagwagian ang anumang pagsubok, basta ang mahalaga ay laban lang ng laban.


Ang pagiging malakas ng loob ang kadalasang nagtutulak sa Unggoy na sumubok sa mga bagay na mapanganib at nagagawa naman nila. Subalit ang kahanga-hanga sa kanilang tadhana, kahit gaano pa kapanganib ang isang sitwasyon na susuungin nila, tiyak naman na sa huli, sila ay ililigtas ng langit at siguradong hindi naman talaga sila mapapahamak.


Bukod sa mahilig sumuong sa mga panganib, nagpapasaya rin sa damdamin ng Unggoy ang pakikipagsapalaran. Bagama’t tunay ngang minsan ay natatalo, mas madalas na wagi ang Unggoy sa anumang uri ng pakikipagsapalaran at hamon na kanilang sinasalihan.


Dahil likas na masayahin at maliksing kumilos, hindi sinasadyang nahahawahan ng kaharutan at kasiglahan ang mga taong nakapaligid sa kanila, kaya naman ‘yung mga tatamad-tamad, kapag nakasama sa Unggoy ay tiyak na sisipagin, habang ang mga likas na malungkutin ay matututong ngumiti at maging maligaya ‘pag Unggoy ang kasama.


Kaya naman masasabing mahusay ding magpatawa at mag-entertain ang Unggoy sa kanilang mga kasama. Kaya ‘pag may isang Unggoy sa grupo, tiyak na hindi sila mababato dahil siya ang siguradong kikiliti sa kanilang kaluluwa upang ang pagkabagot ay tuluyang lumisan. Kaya sinasabing mag-alaga ka ng Unggoy at tiyak na magiging masaya ka habang pinapanood mo siyang magharot at kung anu-ano ang kinakalikot.


Samantala, ang isang pamilya na may Unggoy sa tahanan ay itinuturing na mapalad dahil ang nasabing Unggoy na nagdadala ng saya at ligaya sa kanilang tahanan ay aakit ng dagdag pang suwerte at magandang kapalaran, hangga’t siya ay naninirahan sa nasabing bahay.


Kaya lang, ang hindi nila alam, sa kabila ng mapagbirong pagkatao ng Unggoy, tinatago-tago lang niya sa kalooban, siya ay may pusong mamon at may pagkamadamdamin. Ang katulad nila ay isang payaso na mahilig magpatawa, ngunit sa loob ng payasong ito ay may malalim na lumbay at lungkot siyang nadarama.


Samantala, dagdag pa rito, pangkaraniwan ding mabilis mag-isip at kumilos ang Unggoy, kaya kapag may problema ang pamilya, grupo o isang barkada na may kasaping Unggoy ay madaling nasosolusyunan ang anumang mabigat na problema. Kung saan, Unggoy ang madalas makaisip ng kakaibang pormula o paraan kung paano malulunasan ang anumang uri ng suliranin dahil bukod sa likas na tuso, ang Unggoy ay likas ding matalino at mapamaraan.


Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page