Unang SONA ni P-BBM, siksik, liglig at umaapaw
@Editorial | July 26, 2022
Nailahad na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang kanyang mga plano para sa bayan.
Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), inisa-isa ni P-BBM ang iba’t ibang suliranin na kinahaharap ng bansa, gayundin ang mga solusyon na kanyang naisip.
Kasabay nito ang pagbabahagi ng mga plano o target ng administrasyon para maging mas maunlad ang bansa.
Ilan sa mga usapin na kanyang tinalakay ay kung paano makababawi mula sa kahirapang dulot ng pandemya. Nais niyang pagtuunan ng pansin ang agrikultura, turismo, imprastraktura, transportasyon, komunikasyon at ang mismong pagpapaunlad sa kakayahan ng mga Pilipino, maging ang mga nagtatrabaho sa ibang bansa.
Tiniyak din ni P-BBM na kasabay ng pagbangon, wala nang lockdown at palaging sumusunod sa health protocols.
Inilatag din ni Pangulong Marcos ang mga priority legislative measures — National Government Rightsizing program, Budget Modernization Bill, Tax Package 3 (Valuation Reform Bill), Passive income and financial inquiry taxation act, E-government Act, Internet transaction Act, Government Financial Institutions Unified Initiatives, Medical Reserve Corps, National Disease Prevention Management Authority, Creation of the Virology Institute of the Philippines, Department of Water Resources, Unified System of Separation, Retirement, and Pension, E-Governance Act, National Land Use Act, National Defense Act, Mandatory Reserve Officers’ Training Corps and National Service Training Program, Enactment of an enabling Law for the Natural Industry at Amendments sa Electric Power Industry Reform Act, Amendments sa Build-Operate – Transfer Law.
Nasa ating mga mambabatas naman ang pagkakataon para pag-aralan ang mga ito. Kung nakikita nila ang magandang maidudulot, sana ay aprubahan na.
Masasabing siksik, liglig at umaapaw ang laman ng unang SONA ni P-BBM. Maaaring may mga isyung hindi nabanggit pero, mahaba-haba pa ang tatahakin ng kanyang administrasyon, may mga pagkakataon pa para iparating sa kanya ang saloobin ng taumbayan.
Sa ngayon, gaano man kaganda ang plano ng sinumang Pangulo, ganap lamang itong magiging tama at mabuti kung matutupad at mangyayari ‘yan kung magiging masigap ang lahat at magtutulungan.



Comments