Umani ng tanim na pechay, pahiwatig na kailangang mag-ehersisyo
- BULGAR

- Aug 17, 2020
- 2 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 17, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Regine na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Bakit napanaginipan ko na umaani ako ng pechay na tanim ko? Sa totoong buhay, wala na akong tanim na pechay dahil tinamad na ako kasi hinihingi lang mga tao.
Naghihintay,
Regine
Sa iyo Regine,
Nakatutuwa ang sinabi mo na hinihingi lang ng mga tao ang tanim mong pechay kaya hindi ka na nagtanim. Magtanim ka ulit dahil mas maganda ang nagtatanim kaysa sa nanghihingi.
Damihan mo ang iyong tanim dahil mas maganda ang mas maraming itatanim. Sa pagtatanim, papawisan ka dahil isang klase ito ng ehersisyo.
Pansinin mo ang mga nagja-jogging, naka-uniform pa sila at ang gusto ng bawat isa, ‘yung uniform niya ay mas maganda at mas mahal kaysa sa suot ng kapwa niya. May terno pa nga itong sapatos na mamahalin din.
Balewala lang sa kanila ang mahal na uniform dahil ang mas importante ay pawisan sila at habang pinapawisan sila, mas sumasaya sila.
Kapag pinawisan ka habang nagtatanim, masaya ka. Kaya magtanim ka lang nang magtanim at sa tuwing papawisan ka, muli, dapat ay masaya ka. Kumbaga, hindi naman na mahalaga kung ano ang nangyari sa tanim mo dahil nakuha mo na ang pinakamahalaga at ito ay ang pinagpawisan ka. At kung gumanda o namunga, ito ay dagdag na saya lang dahil muli, nang pinawisan ka, natumbasan na ang hirap at pagod mo.
Kung namunga at hihingin ng mga tao, eh ‘di nakatulong ka pa dahil tiyak din na may iuulam na sila. Kung ikaw naman ang umani at iniluto mo, muli, ito ay dagdag na saya lang para sa iyo.
Sabi ng iyong panaginip, kailangan mong mag-ehersisyo. Mahal ang uniform sa pagja-jogging at kung ibang paraan naman ng pag-e-ehersisyo, mas mahal ang mga gastusin.
Kaya mas magandang magtanim kaysa sa regular na pag-e-ehersisyo dahil wala namang gastos pagtatanim. Kapag pinaiwasan ka, nakuha mo na ang layunin mo at kung may umani na iba o ikaw ang umani, muli, ang mga ito ay dagdag-saya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo







Comments