ni Angela Fernando @Overseas News | Nov. 25, 2024
Photo: Si Rabbi Zvi Kogan, Chabad supervisor ng kosher kitchens sa UAE, taong 2021. Times of Israel / Lazar Berman
Inaresto ang tatlong indibidwal sa United Arab Emirates (UAE) kaugnay sa sinasabing pagpatay sa isang Israeli citizen, ayon sa pahayag ng Emirati Interior Ministry kamakailan.
Hindi binanggit sa pahayag ng ministeryo ang mga detalye tungkol sa mga suspek o kung sila ay kinasuhan, ngunit sinabi nitong gagamitin ang lahat ng legal na hakbang upang tugunan nang tama ang anumang aksyon o pagtatangkang nagbabanta sa tibay ng lipunan.
Binigyang-diin ng opisina ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang pagpatay kay Rabbi Zvi Kogan, 28, bilang karumal-dumal at teroristang aksyon. Sinabi rin ng Israel na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maparusahan ang mga responsable.
Ayon sa mga lokal na otoridad, si Kogan ay isang residente ng UAE at mayroong Moldovan nationality.
Nagtatrabaho siya sa New York-based na Orthodox Jewish Chabad movement at unang iniulat na nawawala nu'ng Huwebes. Natagpuan naman ang kanyang katawan nu'ng Linggo.
Comments