top of page

Tutol sa sapilitang pagpapakasal para mahango sa kahirapan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 5, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | April 5, 2023



Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyo. Gusto ko sanang humingi ng payo tungkol sa nanay ko. Gusto niya magpakasal ako sa lalaking hindi ko naman mahal. Foreigner yung lalaking tinutukoy ko.


Nagbakasyon dito sa Pilipinas. Nameet namin ng pamilya ko at nakasama sa mga outing naming. Niligawan ako pero ‘di ko naman gusto. Wala akong pagmamahal ni katiting.


Asang-asa ‘yung lalaki na papayag akong pakasal sa kanya.


Bumili na ito ng mga kakailanganin namin sa kasal kasama na ang wedding ring at damit na pangkasal. Naging sunud-sunuran ako sa aking Ina. Hindi ako makatutol dahil binabantaan niya na ko na lalayasan niya ako, at ako na raw ang bahala sa buhay ko kung hindi ako papaya, dahil para rin daw sa ikabubuti ng buhay ko ang iniisip niya. Giginhawa raw ako sa piling ng foreigner na ‘yon at mahahango na kami sa hirap.


Ano kaya ang gagawin ko? Malapit na ang kasal namin. Hihintayin ko ang payo niyo sa lalong madaling panahon.


Gina ng Nueva Ecija


Sa iyo,Gina,


Kung talagang wala kang pagtingin sa foreigner na pinipilit ng nanay mo para pakasalan mo ay may karapatan kang ‘di pumayag na magpakasal sa kanya. Kausapin mo ng maayos ang nanay mo. Ipaliwanag mo na hindi lamang pera ang batayan upang maging masagana ang buhay, kundi sa kapayapaan at kalinisan ng puso't kalooban na walang halong pagkukunwari.


Siguro naman ay makakapag-isip isip ang nanay mo na habambuhay kang magdurusa kung magpapakasal ka sa ‘di mo naman mahal.


Sa palagay ko rin ay ramdam naman ng foreigner na hindi mo siya mahal na napipilitan ka lang.


Bilang ina, magigising rin ito sa katotohanang mali ang ginagawa niyang pamimilit sa iyo na magpakasal sa foreigner para lamang mahango kayo sa kahirapan. Nawa’y makaisip siya ng magandang diskarte para makausap niya ng maayos ‘yung foreigner, maipaliwanag niya sa mabuting pananalita na hindi na matutuloy ang inyong kasalan.


Sa una ay maaaring ‘di pumayag ang foreigner pero sa bandang huli mauunawaan niya rin na hindi dapat pinipilit ang babaeng magpakasal, dapat ito'y bukal sa kanyang kalooban.


Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos ang gagawing pakikipag-usap ng nanay mo sa lalaking nakatakdang pakasalan mo. Sumainyo nawa ang kapayapaan ng isipan,walang mangyaring pag-aaway.


Sumasaiyo,

Sister Isabel Del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page