Tutol ang Parents sa pag-a-abroad
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 21, 2021
Dear Sister Isabel,
Naisipan kong sumulat sa inyo dahil hindi ko alam ang gagawin sa aking problema.
Gusto kong mangibang-bansa, pero ayaw akong payagan ng parents ko. Kahit hindi nila alam, nag-apply ako sa abroad at natanggap naman ako, pero hindi ko ito masabi sa aking mga magulang dahil tiyak na hindi sila papayag. Babae kasi ako kaya nag-aalala sila na makipagsapalaran ako sa abroad. Gayundin, may isa akong kapatid na lalaking mas bata sa akin, pero nasa tamang edad na siya para maiwan sa aking mga magulang kaya malakas ang loob kong mag-abroad. Isa pa, kayang-kaya na ng kapatid kong alagaan sila kung sakaling tutuloy ako.
Gayunman, hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanila na natanggap ako sa abroad at malapit na akong umalis. Ayoko kong makita na sobra silang malulungkot kung ibabalita ko na magtatrabaho ako sa ibang bansa. Isa pa, may sakit sa puso ang nanay ko at baka sa pagkabigla sa sasabihin ko ay atakihin siya.
Ano ang mabuting diskarte para masabi ko sa aking mga magulang ang nalalapit kong pag-a-abroad nang hindi sila masyadong malulungkot at tatanggapin nila nang maluwag sa kalooban ang aking pasya? Hihintayin ko ang inyong kasagutan.
Nagpapasalamat,
Dorothy ng Pampanga
Sa iyo, Dorothy,
Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa problema mo. Sa palagay ko, ang dapat mong gawin ay pakiramdaman mo kung nasa magandang mood ang parents mo.
Sa magandang pananalita na may kasamang paglalambing, unti-unti mong sabihin ang nalalapit mong pag-a-abroad upang doon magtrabaho. Ipaliwanag mo na hindi ka naman tuluyang mawawala at tuloy-tuloy pa rin ang magiging komunikasyon ninyo dahil high-tech na ngayon.
Puwedeng-puwede kayong mag-video call anumang oras na gugustuhin ninyong mag-usap at magkita kahit sa video lamang.
Gayundin, sabihin mo na puwede ka namang magbakasyon taon-taon upang magkita kayo nang personal. Ipaliwanag mo rin sa kanila na maganda ang natagpuan mong trabaho at safe na safe rin ang accommodation.
Sa palagay ko naman ay mauunawaan ng mga magulang mo na hindi habang panahon ay nakadikit ka sa kanila. Sa edad mo ngayon ay dapat na talagang hanapin mo ang iyong suwerte, para na rin naman sa ikabubuti ng pamilya mo at ikauunlad ng kabuhayan ninyo. Ipanatag mo ang iyong isipan, natitiyak kong mauunawaan ka nila at matutupad ang pangarap mong makapagtrabaho sa abroad para sa ikauunlad at ikasasagana ng buhay ninyo.
Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha. Maligayang paglalakbay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments