Turismo, unti-unti nang bumabawi
@Editorial | November 19, 2021
Marami na ang naniniwala at nagsasabing magiging maganda ang pasok ng taong 2022.
Unti-unti nang bumabangon ang ekonomiya mula sa pandemya.
Talagang ramdam na rin ang pagsigla ng turismo sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasunod ng pagluluwag sa quarantine, nagsimula nang magpa-book ang magkakapamilya at magtotropa para sa bakasyon na sinasabing pambawi sa napakatagal na ‘pagkakakulong’ sa bahay.
Masasabing pinakamasaya ay ang mga bagets at siyempre, sina lolo’t lola. ‘Ika nga nila, sa wakas ay malaya na.
Happy din hindi lang mga negosyante, kundi maging ang kanilang mga empleyado na balik-trabaho na.
Ganundin ang may maliliit na negosyo ay unti-unti nang nakababalik dahil sa mga turista.
Kumikita na ang mga souvenir shop at photographer.
Dumarami na rin ang mga domestic at international flight kasabay ng pagdami ng mga pasahero sa iba’t ibang airport terminal sa Maynila.
Bagama’t nililinaw na wala pang mga turistang dayuhan dahil hindi pa sila pinapayagan, tanging mga expat na turista pa lang ang puwede.
Tulad ng palaging paalala, puwedeng magsaya pero, huwag magpapabaya.
Huwag natin hayaang maabuso ang mga pagluluwag na ginagawa, sa halip ay gamitin natin itong pagkakataon para mas makapamuhay nang maayos, nakatutugon sa mga pangangailangan at higit sa lahat, ligtas kahit sa gitna ng pandemya.



Comments