Turismo umaangat na, ayos!
@Editorial | June 18, 2022
Good news muna sa gitna ng kaliwa’t kanang hindi magagandang balita.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang kita ng sektor ng turismo sa bansa noong 2021.
Batay sa impormasyon, mayroong P1 trilyong naitalang kita ang tourism sector na mas mataas ng 9.2 percent kumpara noong 2020 na mayroong P917.2 bilyon.
Bagama’t paglilinaw ng PSA, ang nasabing pagtaas noong 2021 ay hindi pa nalalagpasan ang kita bago ang pandemya noong 2019 na mayroong P2.5 trilyon.
Dahil sa COVID-19 pandemic, bumagsak ng 75 percent ang kita sa turismo mula pa noong 2012. Kaya ngayong nabigyan na ng pagkakataon na muling makapagbukas, talagang kailangang bumawi.
Malaking tulong ang suporta mula sa ating gobyerno sa pamamagitan ng mga ayuda at programa ganundin ang galing sa mga pribadong sektor na medyo nakakaluwag-luwag.
Umaasa lang tayo na kasabay ng pagbangon ng turismo ay ang patuloy pa ring pag-iingat laban sa banta ng COVID.
Huwag tayong makalimot na sumunod sa mga health protocols at laging maging responsable sa lahat ng pagkakataon.
Hindi natin dapat madaliin ang sitwasyon. Mas magiging maayos ang lahat kung hinay-hinay, pinaplano at naaayon sa tama at mabuti ang ating mga ginagawa.
Sa palagay natin, mahaba-haba pa ang ating tatahakin para makabawi mula sa pagbagsak pero hindi imposible na muli rin tayong makabalik at maging mas maunlad.
Kapit lang, dagdagan ang pagsisikap at diskarte para mapalago ang kabuhayan.



Comments