ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 15, 2022
Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Tupa o Sheep, na tinatawag ding Kambing o Goat.
Kung ikaw ay isinilang noong 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003 at 2015, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Kambing o Tupa.
Kung Dragon ang itinuturing na isa sa pinakamasuwerte sa 12 animal signs, hindi naman nagpapahuli ang Tupa o Kambing, dahil ang isa sa mga likas na kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanya ng langit ay hindi na niya kailangang magpakahirap o magtrabaho nang sobra upang mabuhay at kumita ng malaking halaga. Bagkus, karamihan sa mga Tupa o Kambing ay nagkakaroon ng malalaking biyaya mula sa langit kahit hindi nila gaanong pinaghihihirapan ang mga ito.
Sa katotohanan, bagay sa kanya ang kasabihan ng matatanda na, “Ako ang nagtanim, ngunit iba ang kumain.” Kung saan, karaniwan nang hindi gaanong nagtatanim ang Tupa, ngunit pagdating ng gapasan o pitasan ng mga bunga ng pananim, nakapagtatakang siya pa ang mas maraming inaani.
Dagdag pa rito, sa ayaw at sa gusto niya, marami ring tao o organisasyon ang tumutulong sa kanya nang hindi niya inaasahan. Kadalasan, dating nang dating ang biyaya sa Tupa kung saan halos mapuno na ang kanyang kaban-yaman. Ngunit dahil likas na mabait ang Tupa, ang mga biyaya na natatanggap niya ay nauubos din at walang natitira dahil ito ay ipinamimigay niya rin sa iba’t ibang tao.
Kaya kung hindi matututong magsinop ng kabuhayan ang Tupa, maaaring masimot ang kanyang mga ari-arian, ngunit kung matututunan niya namang mag-ipon para sa future, tunay ngang isang napakayaman, matagumpay at maligayang Tupa ang mabubuo.
Sa emosyon at pakikipag-ugnayan sa kapwa, ang mga Tupa ay sobrang lapit sa kanyang pamilya kaya bihira sa mga Tupa ang nakakalayo sa sinilangan niyang bayan o tahanan.
Kung sakali mang tumira ang Tupa sa malayong lugar, tiyak na babalikan niya ang kanyang pamilya upang alagaan ang mga ito, tangkilikin at arugain, dahil ganu’n talaga magmahal ang Tupa sa kanyang pamilyang kinagisnan.
Ganundin sa pag-ibig, sila ay minsang magmahal, at ang minsang ito ay itinuturing na niyang panghabambuhay. Kaya naman kapag hindi nakatuluyan ng Tupa ang kanyang first love, maaari siyang magkaroon ng maraming karelasyon, pero ito ay mapapalitan at mawawala rin, ngunit wala nang magtatagal pang iba. Ang aakalain ng ibang tao ay playboy o playgirl ang Tupa, ngunit ang totoo, walang nananatiling karelasyon sa kanya, hindi dahil gusto niya ng maraming karanasan kundi dahil sobrang na-in love siya sa una niyang minahal na babae o lalaki. At siya pa rin ang hinahanap niya sa kanyang nakakarelasyon, na hindi naman niya natatagpuan, kaya hindi sinasadyang nakakarami siya ng karelasyon at wala namang nagtatagal.
Samantala, sinasabing sobrang magiging maligaya ang Tupa sa pag-ibig at sa pakikipagrelasyon sa sandaling natagpuan na niya ang isang optimistic, masayahin, mahilig gumala at easy go lucky na Kabayo. Bukod sa Kabayo na masarap ang buhay, ka-compatible rin ng Tupa ang Rabbit o ang Kuneho dahil bago pa sila ipinanganak, sadyang magkaibigan na sila at may malalim na ugnayan ang kanilang mga puso at kaluluwa, kaya kapag nagsama, kailanma’y hindi na sila maghihiwalay. Ang maharot ngunit sensuwal na Unggoy ay ka-tugma rin ng Tupa, kung saan mararamdaman ng Tupa sa Unggoy ang init ng romansa at ang sarap na dulot ng paglalambing, pagkalinga at habambuhay na pagmamahal.
Itutuloy
Comments